Una sa Balita

‘Bikoy’ bumaligtad; buhol-buhol ang script

0 434

SUMUKO sa Philippine National Police (PNP) si Peter Joemel Advincula alyas ‘Bikoy’, at ikinanta na si Senador Antonio Trillanes IV at ang Liberal Party (LP) ang nasa likod ng ginawa niyang ‘Ang Totoong Narco-list’ video.

Sa isang press conference sa punong tanggapan ng PNP sa Camp Crame nitong Huwebes, Mayo 23, isiniwalat ni Advincula na si Trillanes at mga kasapakat nito ang nagturo sa kanya para idawit si Pangulong Rodrigo Duterte at ang kanyang pamil­ya sa iligal na droga.

Pinangakuan umano siya ng P500,000 sa trabahong ito kasama ang pagbibigay ng absolute pardon upang mabigyan siya ng puwesto sa gobyerno kapag napatalsik sa puwesto si Pangulong Duterte at mapalitan ni Vice-President Leni Robredo.

Lumabo aniya ang pangakong ito nang matalo sa nakaraang halalan ang mga kandidato ng Otso Diretso. Giit ni Advincula, nilaglag at iniwan siya sa ere ni Trillanes dahil hirap na siyang makausap ito pagkatapos ng halalan at wala na ring nagbabantay na miyembro ng Magdalo sa condominium unit na kanyang pinagtataguan sa Pasig City.

Nagdesisyon siyang bumaligtad sa tulong na rin ng kanyang kapatid na nagpasaklolo sa kaaanak nilang PNP official.

Ayon kay Advincula, siyam na buwan pinagplanuhan ang ouster plot sa ilalim ng “Project Sodoma”. Sa mga pagmimiting sa Dela Salle University at Ateneo de Manila University ay dumalo ang mga kandidatong Otso Diretso, maliban kay Mar Roxas. Dumalo rin sa pulong minsan si Senador Risa Hontiveros habang si VP Robredo ay dumaan lamang sa mi­ting sa Ateneo.

Ang utak umano ng Narcolist vide­o ay si Trillanes, kasama ang staff ng detinadong Senador Leila de Lima at ni Sen. Hontiveros. Lahat umano ng sinabi niya sa video habang siya ay nakasuot ng hoodie jacket ay pawang mga kasinungalingan.

“Lahat ‘yun pawang kasinungali­ngan. Kasinungalingan kasi may plano ‘yung kabilang kampo magpaputok ng issue para ma-divert ang attention ng tao.

Papataas nang papataas ang rating ng administration candidates, samantalang walang pumapasok sa Otso Diretso candidates,” diin pa nito na kung saan sinabi ni Advincula na nakilala niya si Trillanes sa pamamagitan ng isang pari na si Father Albert Alejo.

Noong Mayo 6 ay lumutang si Advincula sa punong tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa Pasig City at inamin na siya si Bikoy. Pumunta umano siya sa IBP upang magpatulong na kasuhan ang mga kaanak ng Pangulo at si dating Special Assistant to the President at ngayon ay Senator-elect Bong Go.

Makalipas ang ilang araw, winasak ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang kredibilidad ni Advincula nang ibunyag na noong 2016 ay naglalako ito ng impormasyon na sangkot umano sa iligal na droga si dating Pangulong Benigno Aquino III at iba pang dating opisyal ng nakaraang administrasyon.
Samantala, itinanggi naman ni Trillanes ang mga alegasyon ni Advincula at nagbanta na kakasuhan ito.

“I deny the allegations made by this Bikoy character. This could be another ploy of the administration to harass the opposition. For now, I will be consulting with my lawyer­s so that we could also file the appropriat­e charges against them,” saad ni Trillanes.

Pinabulaan din ni VP Robredo na nagkita sila ni Advincula sa isang mi­ting sa Ateneo para pabagsakin ang administrasyong Duterte.

Aniya, lahat ng pakikipag-usap niya kay Trillanes ay tungkol lamang sa kampanya ng mga kandidato ng Otso Diretso.

Nanindigan naman ang pamunua­n ng DLSU na hindi kailanman sila nakikilahok sa anumang subersibong aktibidad tulad ng alegasyon ni Advincula.

“It has come to our attention that De La Salle University was mentioned by a certain Peter Joemel ‘Bikoy’ Advincula as of the meeting venues for alleged destabilization plots against the government. The University would like to clarify that no such meetings took place inside the campus,” ayon kay Donna Patricia Manio, head ng DLSU Media and Public Relations-Office for Strategic Communications. (Vick Aquino/Dang Samson-Garcia/Juliet de Loza-Cudia/Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy