Bihag ng Sayyaf sa Sulu 9 na lang

By

Kinumpirma kahapon ng Joint Task Force Sulu ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nasa siyam na lamang ang bihag na hawak ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa lalawigan ng Sulu.

Ayon kay AFP Joint Task Force Sulu Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana, sa siyam na bihag, anim ay mga banyaga kabilang ang isang Dutch national at limang Indonesians. Tatlo rito ay mga Pinoy.

Sinabi ni Sobejana na magkakahiwalay ang pinag­lalagyan sa mga nalalabi pang bihag pero nasa loob lamang ng Sulu.

Sa talaan ng AFP, sa pagpasok pa lamang ng taong 2017 ay umabot na sa 43 ang naitalang kidnap victims sa Sulu pero ayon kay Sobejana, 11 rito ay nailigtas na, 14 ay pinalaya, apat ay nakatakas at siyam ang natitira.

Sa ngayon, mas naging maigting ang operasyon ng militar kontra teroristang ASG batay na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa layong mailigtas ang mga natitira pang bihag ng mga bandido. 

SHARE