Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bigyang prayoridad ang mga guro na mabakunahan kontra COVID-19

0 80

Muling hinihimok ng inyong lingkod ang National Task Force (NTF) Against COVID-19 at ang Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na itaas ang mga guro sa listahan ng mga grupong bibigyan ng prayoridad sa COVID-19 vaccination program.

Sinusuportahan natin ang panawagan ng 33 na organisasyon mula sa pribadong sektor, mga grupong pang-edukasyon at pangkalusugan na nagsusulong na gawing bahagi ang mga guro ng A4 priority list. Ayon kasi sa kasalukuyang listahan ng mga grupong prayoridad na mabigyan ng bakuna kontra COVID-19, nasa B1 priority list ang mga guro kasama ng social workers.

Sa ating mga nagdaang pagdinig sa ilalim ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ay nanawagan na tayo na maisama ang mga guro sa A4 priority list, kung saan kabilang ang mga frontline personnel, mga nasa essential sectors at mga uniformed personnel.

Sa madaling salita, sa ilalim ng COVID-19 vaccination program ay dapat mabakunahan muna ang mga frontline healthcare workers, senior citizens, ang mga may comorbidity at mga kasapi ng indigent population bago bakunahan ang mga guro.

Related Posts

Sang-ayon ba kayo na maituturing na frontliners ang mga guro? Alam naman nating mula pa noong nagsimula ang distance learning, nag-iikot na rin sila sa iba’t ibang baranggay para mamigay ng self-learning modules. May ilan pa nga sa ating mga guro na bumibisita sa mismong mga bahay ng kanilang mga estudyante. Bukod pa rito, ang pagpapabakuna ng mga guro ay isang mahalagang hakbang upang maiwasan ang hawaan kapag binuksan na ulit ang mga paaralan para sa face-to-face classes.

Noong nakaraang taon, ipinanawagan ng mga grupong tulad ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) at United Nations Children’s Fund (UNICEF) ang pagbibigay prayoridad sa mga guro sa pagpapabakuna kontra COVID-19.

Umaasa tayo na matutulad ang mandato ng bansa sa Indonesia, kung saan unang binakunahan ang kanilang mga guro bago ang mga nasa tinaguriang vulnerable groups.

Ang ating mga guro ay mga frontliners dahil isinasakripisyo nila ang kanilang kaligtasan para magpatuloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya. Ngayong inaasahan natin ang malawakang pagpapabakuna laban sa COVID-19 sa mga susunod na buwan, mariin nating isinusulong na mabigyan ng mas mataas na prayoridad ang mga guro upang matiyak natin ang ligtas na pagpapatuloy ng edukasyon at muling pagbubukas ng mga paaralan.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.