Una sa Balita

Bigyang-pansin ang pagtaas ng HIV cases sa bansa

By
0 546

Hindi maikakaila na isa sa malaking suliraning pangkalusugan sa ating bansa ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga taong may human immunodeficiency virus (HIV). Nakakabahala sapagkat ayon sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), mahigit 3 libong porsiyento ang tinaas ng HIV cases sa Pilipinas sa loob lamang ng 10 taon.

Mula 342 na kaso ng HIV noong 2007, umakyat ito sa mahigit labing-isang libong kaso noong nakaraang taon. Ayon sa ulat ng World Health Organization (WHO), hindi ito magandang pangi­tain sapagkat pababa na ang mga kaso ng HIV sa ibang bansa. Sa ating bayan, patuloy pa rin itong tumataas.

Bukod dito, nitong nakaraang buwan ay nagbabala ang mga siyentipiko natin mula sa National Institutes of Health ng University of the Philippines. Sinasabi nila na may mga HIV patient sa ating bansa na hindi tinatablan ng regular na gamot kontra sa virus na ito sapagkat meron na ngayong mas matinding klase ng HIV virus na drug resistant na tinatawag na HIV AE subtype.

Patuloy na nagsasaliksik ang ating mga siyentipiko upang pag-aralan ito at malaman kung paano malalabanan ang virus na ito, at kung paano mas makakatulong sila sa pamahalaan upang mapababa ang mga kaso ng HIV.

Related Posts

Maharlika

Bawat araw

Hindi pa ako senador ay adbokasiya ko na ang magpalaganap ng awareness sa isyu ng HIV. Kaya nga taon-taon ay ginagawa ko ang pagpapa-HIV test at isinasapubliko ko ang testing para lumawak ang kaalaman ng mga kababayan natin tungkol dito. Marami kasi tayong mga hinala tungkol sa buhay ng mga taong may HIV na maaari namang hindi totoo.

Patuloy nating ipinag­lalaban ang karapatan ng mga may HIV sa pamamagitan ng aking panukalang Philippine HIV-AIDS Policy Bill (Senate Bill No. 376 na tapos na sa period of amendment sa Senado) na nagtutulak sa isang evidence-based, human rights-based na pagtugon sa isyu ng HIV-AIDS.

Kailangan natin ang batas na ito lalo na nga­yon na 33 porsiyento lamang sa mga HIV positive nating kababayan ang naka-enroll sa mga treatment program ng pamahalaan dahil sa pagkatakot ng karamihan sa diskriminasyon. At ang masakit, sa 42,283 na may HIV sa bansa, 11,550 dito ay mula sa mga kabataang edad 15-24 gulang.

Nakikiusap rin ako sa mga kababayan nating at-risk sa HIV infection na magpa-test na. Meron po tayong mga government treatment center at mga NGO na aalalay po sa inyo. Kayo po ay pagsisilbihin nila nang buong puso at walang diskriminasyon.