Una sa Balita

Bigyang pansin ang mga nakaligtaang sektor ng lipunan

0 252

Sa dami ng mga nag­lilitawang bagong party-list group, dapat nating busisiing mabuti kung karapat-dapat ba ang isang grupo. Meron ba kayang kabuluhan ang kanilang ipagla­laban sakaling suwertehin silang makakopo ng isang upuan sa Kongreso?

Tulad nitong Construction Workers Solidarity Party-list (CWS Party-list) na pinangungunahan ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Romeo Momo. Ang party-list na ito, gaya ng isinasaad ng kanilang pangalan ay para sa mga construction worker.

Nakanti kasi kamakailan ang ating mga kababayang construction worker dahil na rin sa ulat na pinasok na rin ng mga Intsik ang trabahong ito na dapat sana ay para sa mga kababayan nating mason, karpintero, steel man, laborer o helper, painter, tiles setter at iba pa.

Noong bago pa lamang nauuso ang pagtatrabaho sa abroad, napakaraming Filipino construction worker ang nagtrabaho sa Middle East pero sa pagdaan ng mga taon ay lumiit nang lumiit ang demand at napag-iwanan na tayo ng ibang nasyon.

Gustong ipaglaban ng CWS Party-list ang karapatan ng mga Pinoy construction worker. Gusto nilang maia­ngat at makaagapay ang sektor na ito sa ibang nasyon tulad ng mga Chinese construction worker na may bentahe dahil sa kanilang mga modernong gamit at kaalaman. Kung ang mga Pinoy ay martilyo pa ang gamit, ang mga Intsik ay mga power hammer na ang gamit. Bukod sa kanilang modernong tools, may kanya-kanya na silang espesyalisasyon kaya naagawan na rin nila ng trabaho ang mga kababayan natin.

***

Isang impormasyon ang ipinarating sa inyong lingkod tungkol sa patuloy umanong kabulastugang nangyayari diyan sa Bureau of Customs (BOC).

Nakakalungkot dahil sa kabila ng matin­ding galit ni Pangulong Duterte sa mga nasa likod ng katiwalian sa BOC ay patuloy silang namamayagpag.

Ayon nga sa ating source na hindi na masikmura ang kalokohan sa BOC, ibang klase raw dumiskarte ang isang tanggapan dito katulad ng X-Ray division ng Manila International Container Port (MICP).

Isang broker ang nakapagkuwento sa atin na dumating ang kanyang container na may lamang mga ‘general merchandise’. Walong uri ng mga gadget sa cellphone ang laman pero nang dumaan sa X-Ray division ay pinigil umano ito dahil sa dalawang kakaibang image.

Pero nang busisiin ay may napasama palang dalawang rolyo ng liha sa container kaya agad itong pinaalam ng X-Ray division sa broker.

Nang pakiusapan ni broker ang mga tauhan ng X-Ray Division agad nagpresyo ang mga ito na kailangan tubusin sa halagang P100K para wala ng abala para sa broker.

Kung ikaw ang broker maglalabas ka ba ng P100K para lamang sa dalawang rolyo ng liha?

Nagbayad naman na ng taxes at duties ang broker kaya nakakaloka namang maningil ng karagdagang P100K para sa dalawang rolyo ng liha?

Sana ay maimbestigahan ni BoC Commissioner Ret. Gen. Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero kung may katotohanan ang alegasyong ito sa X-Ray division gayundin ang sumbong sa atin na tuwing Biyernes daw ang biyakan ng ‘for the boys’ na nakukulimbat sa mga kaawa-awang broker.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy