Una sa Balita

Bigyang kakayahan, bigyan ng pag-asa

By
0 786

Tuloy-tuloy ang trabaho ni VP Leni Robredo sa Angat Buhay. Patuloy ang pag-iikot sa kasuluk-sulukan ng bansa, para maabot ang ating kababayang nasa laylayan.

Sa dami ng ating kuwento tungkol sa iba’t ibang mga proyekto, napag-usapan natin ang iba’t ibang tulong na dala ni VP Leni, kasama ang mga Angat Buhay partner.

May mga tulong na nakatuon sa relief operation, mayroon ding pang-edukasyon, pangkalusugan, para sa kababaihan, pabahay, at iba pa.

Sa mga assistance na ito, patuloy kaming nakatutok hindi lang sa bastang pagtugon sa pangangailangan ng ating kababayan.

Nakatutok tayong mabigyan ng kakayahan ang ating kababayan na baguhin ang kanila mismong kapalaran.

Nitong nakaraang linggo sa Eastern Samar ko napatunayang napakalaki ng nagagawa ng Angat Buhay para sa ating kababayan. Higit pa sa tulong, dahil sa programa ni VP Leni, nabibigyan natin ng bagong pananaw ang mga Filipino.

Nagtungo ang Angat Buhay team sa Eastern Samar sa mga munisipyo ng Balangkayan, Hernani, Quinapondan, at Salcedo para mag-turnover ng mga progra­mang pang-edukasyon at pangkabuhayan.

Sa Salcedo, Eastern Samar nakausap namin si tatay Luis Bayorong Jr., presidente ng Farmers Entrepreneurs Association of Salcedo (FEA) na sinadya ng team para dalhan ng assistance. Sa tulong ng Metrobank Foundation, magagawan na ng solar dryer facility ang grupo para sa kanilang cassava production.

Ilang beses nang nakikipag-usap ang team sa iba’t ibang mga barangay para malaman kung ano ang kailangang tulong ng ating kababayan.
Isa ang grupo ni tatay Luis sa nakausap namin ilang buwan na ang nakakalipas, at binalikan nitong Mayo.

Kuwento ni tatay Luis, pito sila noong 2007 na nagtayo sa FEA. Nga­yon ay nasa 629 na ang kanilang miyembro. Dahil sa pagtityaga at pagtatrabaho, marami silang taong natutulungan.

Sabi ni tatay Luis, “Sa akin gusto ko sana pala­kihin din ito. Dahil barangay lang ang serbisyo, ngayon municipal-wide na kami. Mayroon na kaming member na more than 700 na mga magsasaka. Gusto ko itong palawakin pa sana.”

Maliban dito, tumatak sa akin ang sinabi ni tatay Luis nang tinanong siya kung ano sa palagay niya ang nagagawa ng ganitong mga programa.

Sabi niya, “Mahalaga ang mga ganitong prog­rama, para talaga sa mahihirap. Dito talaga maiaa­ngat natin ang buhay. Hindi lang iyong bibigyan ng pagkain, bibigyan natin sila ng pera, sa palagay ko hindi matatapos ang kahirapan.”

“Pero kung bibigyan natin sila ng pagkakakitaan, bibigyan natin sila ng hanapbuhay at iyong hanapbuhay na iyon ay matutulungan natin silang maipalago, maipamahagi, makapag-produce ng maraming trabaho, doon natin maiaangat ang buhay ng mga mahihirap.”

“Na parang binigyan natin sila ng bingwit, tapos sila na ang matututong humuli ng pagkain nila, hindi natin sila bibigyan ng isda. Diskartehan talaga nila ang sarili nilang pamilya, ang sarili nilang kinabukasan.”

***

Si Georgina Hernandez ang tagapagsalita ni Vice President Leni Robredo. Siya rin ang namumuno sa Angat­ Buhay program ni VP Leni.

Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kompanya at iba pang volunteer group. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-705-0273.