Una sa Balita

Bigo ang Build! Build! Build! Program?

0 327

“GOOD Trip – ang lingguhang biyahe ­natin sa ­mundo ng travel, ­transportation, road safety at ­environmental issues.”

Ganyan po natin ipinakikilala ang ating ­weekly radio show sa DZRJ mula pa noong 2016. Iyan ang dahilan kung ­bakit ­tumututok tayo sa mga piling programa ng ­gobyerno, ­tulad ng Tax Reform Program ng Dept. of Finance, PUV Modernization Program ng Dept of ­Transportation, at Build! Build! Build! ng Dept of Public Works and Highways.

Nauna na nating pinuna ang PUV ­Modernization Program dahil sa kabagalan ng implementasyon nito. Huli nating nakita na nasa 4,000 pa lamang ang mga bagong jeepney sa kalsada mula pa 2019. Ang plano ng gobyerno ay palitan ang humigit-kumulang 185,000 jeepney na lampas 10 taon nang tumatakbo. Nitong mga nakaraang buwan, ­nakita naman natin ang pagmamadali ng mga kilalang distributors na mag-turnover ng mga bagong ­jeepney sa mga pumasang mga transport cooperatives.

Sa pagbabantay natin sa Build! Build! Build!, makailang beses na rin tayong nakasaksi sa groundbreaking at opening ng ilan sa mga DPWH projects. Kaya’t nakakagulat ang pahayag ng isang senador na ang nasabing programa ay isang kabiguan. Akala ko nagbibiro lang yung senador; baka naalimpungatan, sabi ko. Pero hindi! Seryoso ang kaniyang alegasyon na palpak ang DPWH.

Sa mga tulay lamang, may 7-8 tulay ang itatayo sa Pasig River para damihan ang crossing points. ­Personal kong binabantayan yung Sta Monica-Lawton bridge na magdudugtong sa BGC at Ortigas Center. Sa ngayon, inaabot ako ng 45 minuto makarating lang sa BGC. Kapag nabuksan ang ­bagong ­tulay sa July 2020, mabilis na ang pagpunta sa BGC, at mababawasan ang gumagamit ng mga tulay sa Guadalupe (EDSA) at Bagong Ilog (C5).

Noong Oktubre 30, binuksan din ang ­Laguna ­segment ng Cavite-Laguna Expressway ­(CALAX) at umabot sa 6,800 na sasakyan ang dumaan dito noong Undas (Nob 1-2). Binuksan na rin ang C5 Southlink na nagdudugtong sa C5 at Cavite ­Expressway. Mula sa Pasig at Taguig, mabilis na ngayon pumunta sa Merville at NAIA Terminal 1. Nandoon ako nang buksan ang C5 Southlink.

Ayon kay Ms. Anna Mae Lamentillo, Chairman ng Build! Build! Build! Committee, ang programa ay binubuo ng libu-libong infrastructure projects sa 18 rehiyon at may budget na P8 trillion. 20,000 sa mga ito ay nasa ilalim ng DPWH.

Isandaan dito ang tinatawag na flagship project dahil sa malaking benepisyo ng mga ito sa publiko.

Mula noong Hunyo 2016, nakagawa na ang DPWH ng 9,845 km na kalsada, 2,709 tulay, 4,536 flood control projects, 82 evacuation centers at 71,803 classrooms. Lahat ‘yan ay bahagi ng Build! Build! Build! Program.

Ilan sa mga ito ang mga malalaking infrastructure tulad ng NLEX Harbor Link, Cavite Laguna ­Expressway (CALAX), Laguna Lake Highway (C6), Candon City Bypass Road (Ilocos Sur), Slaughter House Road (Davao City), Pulilan-Baliuag ­Diversion Road (Bulacan), Calapan-Roxas Road ­(Oriental ­Mindoro), Mandaue Causeway Road (Cebu), the Dipolog-Oriquieta Road (Misamis ­Occidental), ­Dumaguete North Road (Negros Oriental), at Taytay-El Nido Road (Palawan).

‘Yan po ba ang isang kabiguan?

Ayon sa isang research, sumisira sa utak ang kakulangan ng tulog. Kaya’t sa susunod, hayaan po natin siyang matulog Kongreso.

[www.bigthink.com:A lack of sleep makes your brain eat itself, new research suggests]

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy