Una sa Balita

Big Hook nakaungos sa 3-YO Maiden Race

By
0 305

Nagpakitang gilas si Big Hook matapos angkinin ang 3-Year-Old Maiden Race kaha­pon sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Ginabayan ni former Phili­ppine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year awardee Patricio Ramos Dilema si second choice Big Hook upang sikwatin ang added prize na P10,000 sa okasyong inisponsoran ng Philippine Racing Commission (PHILRACOM).

Hinablot agad ni Big Hook ang unahan sa largahan at nakalamang ng dalawang kaba­yong agwat sa kalagitnaan ng karera.

Nagpumilit kumapit sa unahan nina Princess Alessi at The Centurion. Pero hindi sila pinansin nina Big Hook at Dilema.

Pagsapit ng rekta ay beripikadong mananalo si Big Hook.

Tinawid ni Big Hook ang meta ng may isa’t kalahating agwat sa nasegundong si The Centurion habang pangatlo si Kentucky Rain.