Una sa Balita

Bida ang pamilya, kalusugan at kababaihan sa Bagong Taon

0 729

Naging tradisyon na sa kulturang Pilipino ang pagsama-sama ng buong pamilya upang ipagdiwang ang Kapaskuhan at Bagong Taon. Ilang araw na lang at magpapalit na ang taon at tulad ng nakasanayan, siguradong magkakasama na naman ang mga pamilya upang salubungin ang taong 2019.

Sa ganitong mga okasyon, ang mga nanay ang bida. Tayo ang tampok at sentro ng pagtitiyak na magiging maayos ang selebrasyon ng buong pamilya.

Ang mga nanay at kababaihan din ang bida ng taong ito. Mula sa usapin ng kalusugan, nutrisyon at pangangalaga, magpalit man ang taon, ang aruga ni nanay ay walang kapantay. Ang ating mga kababaihan ang umaaruga hindi lamang sa ating mga pamilya kundi sa buong komunidad.

Kaya sa pagpasok ng Bagong Taon, bilang nanay at babae, aking prayoridad na patuloy na gumawa at magtulak ng mga batas para sa mga kababaihan, kalusugan at pamilya.

Nitong 2018 ay marami tayong panukalang batas na ginawa, tinulak at pinasa para sa pamilyang Pilipino. Kabilang na dito ang Mental Health Law, Expanded Maternity Leave Law, Universal Health Care Act, Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act, Simulated Birth Rectification Act, Mandatory PhilHealth Coverage for People with Disabilities, Positive Discipline Act, at ang Children in Situations of Armed Conflict Act.

Ang mga batas na ito ay mahahalagang sangkap para sa isang komprehensibong pagtugon sa iba’t ibang isyu ng pamilya, kalusugan, kababaihan at lipunan.

At bagama’t patuloy na mapanghamon ang panahon para sa hanay ng kababaihan at kalakhang mamamayan, tayo ay patuloy na magsusumikap at susulong upang magtulak ng mga batas na tunay na aagapay sa interes, karapatan at kagalingan ng pamil­yang Pilipino.

Nawa ay ipagpatuloy natin ang tradisyon sa pagsalubong ng Bagong Taon na may pagkalinga at pagmamahal sa kapwa. Sana ay gawin natin ito sa araw-araw at sa buong taon.

Isang masaya at mapayapang Bagong Taon sa lahat!

***

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanu­ngang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More