Una sa Balita

BI hinigpitan pa pagbabantay sa mga airport

0 199

Lalong hinigpitan ng Bureau of Immigration (BI) ang pagbabantay sa operasyon ng mga pali­paran sa bansa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng internal movement at pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensiya ng gobyerno.

Sa kautusang inilabas noong Biyernes ni BI Commissioner Jaime Morente, inilipat ang awtoridad ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) sa ilalim ng kanyang tanggapan.

Ang TCEU ay namamahala sa pag-inspeksyon ng mga pasahero sa iba’t ibang international airport at nakikipag-ugnayan sa mga posibleng biktima ng human trafficking at illegal recruitment.

“We have transferred the authority over our secondary inspectors, and they shall report directly under my office. They will serve as my eyes and ears at the airport,” ani Morente.

Sa hiwalay na kautusan, kinuha rin ni Mo­rente ang direct autho­rity ng Border Control and Intelligence Unit, na nagsisilbing intelligence arm ng BI sa mga paliparan at sinusubaybayan ang mga hinihinalang terorista.
Ang nasabing mga yunit ay nasa ilalim ng Port Operations Division (POD) ng BI.

Sinabi ni Morente na nakita nila ang pa­ngangailangan upang ili­pat ang kontrol at pangangasiwa sa mga nasabing yunit sa kanyang opisina.
“Such move will prevent fraternization, which is seen as a risk for corruption. This move will ensure checks and balances are put in place,” wika ni Morente.

Idinagdag pa ni Mo­rente na nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang mga ahensiya ng pali­paran upang matiyak na ang airport immigration area ay nananatiling sani­tized. (Mina Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy