Una sa Balita

BFF tinarakan sa kimkim na galit

By
0 2

Hindi na umano makatiis sa nadaramang galit kaya nagawang saksakin ng isang lalaki ang matalik na kaibigan kamakalawa sa Cainta, Rizal.

Arestado ang suspek na si Alex Balitbid Jr., 22, laborer at taga-Village East Avenue, Barangay Sto. Domingo, Cainta matapos saksakin ang kaibigang si Mark David Celso, 19, janitor, ng Kasibulan Gate, Imelda Avenue, Barangay Sto. Domingo, Cainta.

Sa report, naganap ang insidente bandang alas-sais kamakalawa ng umaga sa Imelda Avenue, Barangay San Isidro. Nakaupo lamang ang biktima sa harapan ng Burger Machine shop nang dumating ang suspek at walang sabi-sabing sinaksak sa dibdib saka mabilis na tumakas ang suspek.

Agad naisugod sa Amang Rodriguez Memorial Hospital ang biktima at kasalukuyang ginagamot habang naaresto naman ng rumespondeng barangay tanod ang suspek sa isinagawang follow-up operation.

Ayon sa barangay tanod na si alyas Totoy, matagal na umanong magkaibigan ang dalawa at hindi nila alam na may alitan ang mga ito.