Una sa Balita

BFAR idinepensa ang imported galunggong

By
0 477

HINDI bumenta sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang balitang gawa o may halong plastic ang mga imported na galunggong na nabibili sa merkado.

Inihayag ito ni BFAR national director Eduardo Gongona dahil sa nag-viral na video na nagpapakitang nababalot sa plastic ang malalaking imported na galunggong na nabibili umano sa isang palengke sa Daraga, Albay.

Imposible aniya itong mangyari dahil dagdag itong gastos sa paghahanda pa lang para maipadala sa iba’t ibang bansa.

Upang agad namang matukoy kung nababalot nga sa plastic ang isda, pinayuhan ni Gongona ang publiko na i-prito o ihawin ang isda.

“Kung gusto niyo ma-check on your own, kung meron man, iprito niyo o ihawin niyo, or ilagay niyo sa microwave. Mangangamoy siya ng plastic kung may plastic siya. Pero kung hindi naman, that’s protective coating ng isang isda for survival,” ani Gongona.

Bagama’t hindi aniya sila kumbinsido sa nag-viral na video, tiniyak naman ng opisyal na iniim­bestigahan pa rin nila ang insidente umano sa Albay.

Siniguro rin ng opisyal na dumaan sa inspeksyon ng BFAR ang mga produktong galing sa ibang bansa bago ipamahagi ang mga ito sa mga merkado.

“For now, sinasabi namin sa mamamayan, ‘yung mga imported na items, perishable goods gaya ng isda, nasa Customs zone pa lang ‘yan ay chine-check na ng BFAR and other agencies concerned sa food safety. And we see to it na bago pa dumating ‘yan sa wet market ay hindi makakasira sa kalusugan,” diin pa ni Gongona.