Una sa Balita

BF kalaboso sa sextortion sa dating GF

By
0 589

SWAK sa kulungan ang isang lalaki matapos puwersahing nitong muling makipagtalik sa kanya ang dating nobya at takutin na ipakakalat nito ang kanyang hubad na video kapag hindi ibinigay ang malaking halaga na hinihingi nito sa Pasay City.   

Kinilala ni Chief Inspector Wilfredo Sangel, hepe ng Station Investigation and Detective Managament Branch (SIDMB) ng Pasay City Police ang nadakip na suspek na si Jaimart Inque, alyas ‘Reujin Shin Tan’, 27-anyos at residente ng General Trias, Cavite.

Ayon kay SPO2 Elmer Dimaculangan, may hawak ng kaso, dakong alas-tres ng hapon nang maaresto ang suspek sa harapan ng Mall of Asia (MOA) sa may Seaside Boulevard matapos ikasa ang entrapment operation.

Lumalabas sa im­bestigasyon, nagsumbong ang biktima na itinago sa pangalang ‘Jona’, 25-anyos,­ sa mga awtoridad hinggil sa paghingi ng halagang P15,000 ng kanyang dating nobyong si Inque at niyaya siyang muling makipagtalik.

Sa oras aniya na hindi makapagbigay ng nasabing halaga ay ipapakalat ang mga hubad na larawan nito.

Dito na nagkasa ng entrapment operation ang mga tauhan ng SIDMB sa labas ng MOA at nagkita ang suspek at ang biktima.

Nang aktong iabot na ni Jona ang naturang halaga ng pera ay dito na dinakma ng mga nakaantabay na mga pulis hanggang sa naaresto ang suspek.

Agad na dinala sa nasabing himpilan ng pulisya ang suspek na kung saan todo-sisi ito na sinabi niyang kaya lamang niya nagawa ito sa kanyang dating kasintahan dahil sa ayaw pa ring umalis sa club na pinapasukan ng biktima.

Dahil dito sasampahan ng kasong ­Republic Act 9262 o violence against women ang ­suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.