Una sa Balita

Beteranang aktres iniiwasan sa sobrang daldal

0 859

Kung pag-arte ang pag-uusapan ay walang makakokontra sa talento ng isang nagkakaedad nang aktres. Kahit ano pang role ang ibigay sa kanya ay buong-ningning niyang nabibigyan ng hustisya.

Tinitingala siya sa larangan ng pag-arte, marami na siyang tinatanggap na parangal, wala na siyang kailangang patunayan pa sa pagiging magaling na aktres.

Pero dahil sa sobrang pagmamahal niya sa kanyang sining ay ang mga katrabaho niya ang madalas na umiiwas sa kanya.

Kuwento ng aming source, “Matutok siya sa craft niya, kahit ang dami-dami na niyang awards, e, talagang tutok pa rin siya sa trabaho niya. Hindi siya nagpapabaya.

“Nakaranas na ang mga kapwa niya artista ng pakikipagkuwentuhan sa kanya nang ilang oras sa telepono. E, mga busy pa namang artista ang kausap niya.

“Sabi ng isang sikat na male personality, masarap siyang kausap dahil marami siyang natututuhan sa pag-arte. Pero kailangan lang siyang kausapin kapag walang trabaho ang nasa kabilang linya.

“Ang tagal-tagal kasi niyang bumitiw sa kuwentuhan, oras ang binibilang, kaya kung abala kang artista, huwag na huwag kang tatawag sa kanya dahil siguradong hindi ka na makagagawa pa ng ibang trabaho.

“Sisimulan niya kasi ang kuwentuhan sa kabataan niya, hanggang sa nu’ng mag-artista na siya at makilala, talagang dudugo ang tenga mo sa sobrang haba ng kanyang mga kuwento.

“Mula nu’n, e, nadala na ang sikat na male personality. Kapag tinatawagan siya ng veteran actress, hindi na siya sumasagot, lalo na kapag marami siyang trabaho sa serye niya.

“Wala na naman kasi siyang magagawang ibang trabaho kapag nagsimula nang magkuwento ang beteranang personality, ayaw niyang kumalas, wala siyang pakialam sa trabaho ng mga co-stars niya.

“Ganu’n siya, iniiwasan na siya ng mga artista kapag tumatawag siya, stranded ang tawag nila kapag may nagkakamaling sumagot sa tawag ng magaling na aktres. Stranded talaga dahil hindi na siya pakakawalan ng veteran actress,” humahalakhak na kuwento ng aming source.

Kris humahamig ng simpatya

Awang-awa ang aming mga kaibigan kay Kris Aquino. Nakikisimpatya sila sa pinagdadaanan ngayon ng aktres-TV host tungkol sa kanyang kalusugan.

At sa pagkaawa kay Kris ay parang may nararamdaman silang konsolasyon.
Hindi bale na raw na hindi sila kasingyaman ni Kris pero maayos naman ang kanilang katawan.

Sino nga ba kasi ang makapag-iisip na ang isang tulad ni Kris na ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig at alagang-alaga naman sa mabibitaminang pagkain habang lumalaki siya ay ganito pala ang kahihinatnan?

Ang dami-dami niyang tests na pinagdadaanan ngayon. Bukod sa lupus na pinoproblema niya ay isinama niya na rin ang pagbabantay sa kanyang colon, ang naging dahilan ng pamama­yapa ng kanyang inang pangulo, pati na ng iba pa nilang mga kamag-anak.

Sabi ng isang kaibigan namin, “Meron siyang perang magagastos sa pagkamamahal na tests sa Singapore. Sobra-sobra pa sa pambili ng gamot ang hawak niya, pero tama si Kris, nakakaalarma ang mga nangyayari sa kanya.

“Kailangan niyang tutukan ‘yun, lalo na’t sabi nga niya, e, ang babata pa ng mga anak niyang sina Josh at Bimby. Mapagbiro talaga ang tadhana kung minsan.

“Nasa kanya na ang lahat-lahat sa biglang tingin, maraming naiinggit sa buhay na meron siya, pero hindi rin pala. Mas matindi ang problema ni Kris kesa sa pinoproblema lang nating kakapusan ng pera.

“Buhay ang nakataya sa kanya, samantalang tayo, mahahanap natin ang perang kulang sa atin basta magsipag lang tayo,” makabuluhang komento ng aming kaibigan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy