Una sa Balita

Bentahe ng LP ang mga lokal na kandidato

0 1

Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia at SWS ay kitang-kita na dikit-dikit pa rin ang laban sa pagka-presidente at bise-presidente. Sa laban sa pagka-presidente, lamang si Senadora Grace Poe ng 6 na puntos lamang kay dating DILG Secretary Mar Roxas na kasalukuyang nasa ikaapat na pwesto. Habang sa bise-presidente naman ay lamang si Senador Bongbong Marcos kay Cong. Leni Robredo ng 5 puntos. Maliit lamang ang kalamangang ito dahil kung matatandaan natin na noong 2010 na halalan ay mahigit 30 puntos ang lamang sa mga survey ni Roxas pero nahabol pa rin siya ni Bise Presidente Jejomar Binay na noon ay Mayor pa ng Makati. ‘Ika nga, sa basketball ay bilog ang bola at marami pa ang pwedeng mangyari sa mga huling linggo ng kampanya.

Ang isang magiging bentahe ng Liberal Party (LP) ay karamihan ng mga lokal na opisyal sa buong bansa ay sumusuporta sa tambalan nina Roxas at Robredo. Halimbawa sa Quezon City na lamang na pinakamalaking lungsod sa Metro Manila ay halos lahat ng mga nakaupong opisyal ay taga-LP kaya pwedeng asahan na kakayod talaga ng husto ang mga ito para maipanalo ang kanilang mga kandidato. Kapag gu­malaw at mangampanya na ng husto ang mga opisyal na ito ay hindi malayo na makaungos sina Roxas at Robredo pagdating ng halalan sa Mayo. Malaki ang impluwensya ng mga gobernador, congressman at mayor sa isang halalan dahil sila ang mag-uudyok sa kanilang mga nasasakupan na pumunta sa mga presinto para bumoto. Pwedeng kilala ka nga sa buong Pilipinas pero kung hindi naman pupunta sa mga presinto para bumoto ang mga tagasuporta mo eh ‘di wala ring silbi. Dito rin makikita kung talagang matatag nga ang hawak ng LP sa kanilang mga lokal na pinuno dahil alam naman natin na sa panahon ng eleksyon ay uso rin ang balimbingan. Sa tingin ko masusubok ngayon ang liderato ni Pangulong Noynoy Aquino dahil kapag siya ang nagtimon sa mga opisyal na ito, sigurado akong susunod ang mga ito sa kanya.

Related Posts

Marami pa ang pwedeng mangyari sa halalan pero ang mahalaga ay ngayon pa lamang dapat bumubuo na ng mga grupo ang bawat kandidato para siguraduhing makakaboto agad ang kanilang mga tagasuporta. Mahalaga rin na may grupo sa bawat munisipyo at siyudad sa buong bansa para siguraduhing mababantayan ang boto ng mga kandidato. Alam naman natin ang kasabihan sa Pilipinas na wala raw natatalo sa eleksyon sa atin, lahat daw ay nadadaya.

***

Para sa inyong mga komento, mag-text sa 0916-6772989.