Una sa Balita

Bentahan ng Filipina DH sa Kuwait bawal na sa MOU

By
0 2,673

MATUTULDUKAN na ang pang-aabuso sa mga­ overseas Filipino worker (OFW) sa bansang Kuwait kapag tu­lu­yan nang malagdaan ng gobyerno ng Pilipinas at Kuwait ang memorandum of understanding (MOU).

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sa MOU, bawal na ang pagkumpiska ng mga employer sa pasaporte at hindi na rin papayagan ang pagbebenta o paglilipat ng mga OFW, lalo na ang mga domestic helper, sa bagong amo.

Nakasaad sa MOU na bago mailipat sa bagong employer ang OFW, kai­langan ang ‘written consent’ na pumapayag siya at dapat aprobado ng labor attaché.

Matatandaan na ki­num­pirma ni Bello na pumayag na ang Kuwaiti government sa nasabing kasunduan at nakatakda itong lagdaan sa loob ng dalawang linggo sa bansang Kuwait.

Ayon kay Bello, ma­tapos ang masinsi­nang pag-uusap, puma­yag na rin ang Kuwai­t na ga­wing akma sa batas ng Pilipinas ang employment contract ng mga OFW.

Gayunman, sinabi ng kalihim na kahit malagdaan ang MOU, wala pa ring katiyakan na babawiin na ng gobyerno ang deployment ban sa mga household worker patungo sa Kuwait.

Ipinairal ng Pilipinas ang deployment ban sa Kuwait bunsod ng mga insidente ng pagmamaltrato sa mga OFW, isa dito ay ang kaso ni Joanna Demafelis na pinatay ng kanyang amo at isinilid sa freezer sa loob ng isang taon.

Bagamat natukoy na hindi naman Kuwaiti, kundi Lebanese at Syrian ang dating amo ni Demafelis, hindi pa rin ito naging susi para alisin ang deployment ban.

Nahuli na ang lalaking amo ni Demafelis subalit tumanggi naman ang Lebanon na ibiyahe ito sa Kuwait dahil mamamayan nila ito at kailangan na doon din litisin sa kinasasangkutang kaso.

Matatandaan na nag­banta rin si Pangulong Rodrigo Duterte na ipairal ang deployment ban sa ibang bansa sa Middle East na inaabuso ang kabaitan ng mga Pinoy na manggagawa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy