Una sa Balita

Benguet Mining Corp., mayor panagutin sa landslide

By
0 77

Malaki ang posibilidad na papanagutin sa batas si Itogon, Benguet Mayor Victorio Palangdan gayundin ang Benguet Mining Corp. na pag-aari ng pamilya Romualdez dahil hindi pinaalis at pinayagang manatili ang small scale miners sa lugar na naging biktima nang malagim na pagguho ng lupa noong nakaraang linggo.

Ayon sa sumbong ng ilang biktima ng landslide sa lugar na ayaw magpabanggit ng pa­ngalan, responsibidad ni Mayor Palangdan bilang kanilang alkalde na tiyakin ang kaligtasan ng kanyang nasasakupan lalo na’t maaga pa ay nagbabala na ang Pagasa at ilang gov’t agencies sa peligrong idudulot ni bagyong Ompong.

Anila, malaki ang kinalaman ng negosyo ng alkalde partikular ng asawa nito na pamimili ng ginto kaya’t nahihiyakat ang mga maliit na minero na manatili sa lugar kahit pa peligroso sa kanilang mga buhay.

Inamin ni Mayor Palangdan na ang kanyang asawa ay bumibili ng ginto sa mga local small-scale miner suba­lit hindi umano niya pinapayagan ang mga small scale mining sa kanyang minisipalidad para lamang sa negosyo ng kanyang asawa.
Wala namang mai­sagot ang alkalde sa katanungan kung bakit talamak ang small mi­ning sa bayan ng Itogon at kung saan napupunta ang mga ginto.

“‘Di ko alam saan napupunta ang gold natin baka diretso sa China,” sagot pa nito.

May pananagutan din umano ang Benguet Mining Corp dahil pinapayagan nito ang small-scale company gaya ng Antamol mining na kumukuha ng ginto at nagkakaroon ng gold processing sa mining site.

Ayon sa source, ang Antamok underground mining ay nagsimula noong 1992, at nagbukas ng pit mining operations noong 1997.

Ito umano ang dahilan nang pagdagsaan ang mga small scale miners sa lugar.

Hanggang sa hindi na umano napigilan ng BMC ang aktibidad ng mga iligal na minero. Nagsagawa pa umano ng blasting ang kumpanya noon para harangan ang mga mining portals subalit nagagawa pa ring buksan ng mga minero ang tunnel ng mga minahan.

Taong 2000 nang payagan umano ng BMC ang Antamok na sakupin ang lugar kasama ang lumang bunkhouse malapit sa L070 portal sa Bgy. Ucab kung saan nangyari ang landslide.