Una sa Balita

Ben Tulfo habulin sa ₱60M DOT-ptv ad

0 506

HINDI pa tapos ang kamalasang inabot ng magkakapatid na Tulfo mula nang murahin at pagbantaan ni Erwin Tulfo ang retiradong heneral na kalihim ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito’y matapos na atasan ng Malacañang ang Department of Justice (DOJ) na kumilos para mabawi ang P60 milyon na binayad ng Department of Touris­m (DOT) sa Bitag Media ni Ben Tulfo.

Nangyari ang transaksyon noong nakaupo pang kalihim ng DOT ang kapatid ni Ben na si Wanda Teo.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Pa­nelo, dapat kumilos ang DOJ dahil hanggang nga­yon ay hindi pa sinosoli ni Tulfo ang pera kahit kinuwestiyon na ito ng Commission on Audit (COA).

Hindi naman nagbigay ng taning si Panelo kung hanggang kailan dapat ibalik ang pera.

“It depends on the DOJ, because it’s their call, they will have to do something legally about it,” diin ni Panelo.

Base sa 2017 COA report, lumitaw na nagbayad ang People’s Television Network ng P60 milyon sa Bitag Media Unlimited Inc. para maere ang komersyal ng DOT sa programa ni Tulfo.

Binalaan pa ng COA na maaaring makasuhan ng katiwalian si Teo dahil sa conflict of interest sa paglalagay ng ads sa programa ng kanyang kapatid.

Matatandaang sinabi pa noon ng abogado ni Teo na si Atty. Ferdinand Topacio na ibabalik ang perang binayad ng DOT sa programa ni Tulfo pero hanggang ngayon ay hindi pa ito nangyayari.

Nitong nagdaang araw, tinanggal ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ang mga nakatokang security detail sa magkakapatid na Tulfo.

Kasunod nito ay inalis din ang programa ni Erwin sa government radio station na Radyo Pilipinas. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More