Una sa Balita

The Beloved DJ

By
0 230

Ika-7 na labas

Foundation house.

Kausap nina Dianne at Charlie si Sister Paloma sa hardin ng foundation kung saan nakaupo sila sa isang maliit na kubong sadyang itinayo doon.

“Aba Sister Paloma, konti na lang po pala at maibabalik na sa dati ang foundation house ha!” si Dianne habang nakangiting pinagmamasdan ang niyayaring tahanan ng mga ulila.

“Salamat sa Diyos at salamat din sa Emerton company, kasi nagbigay sila ng medyo malaki-laking donasyon para sa pagpapagawa nito, ganoon din ang istasyon niyo. Kaya sa susunod na Linggo ay maililipat na ulit dito ang mga bata, pansamantala kasi ay inilipat muna sila sa Charity home.”

“Mabuti naman po kung gano’n.”

“E sister, tuloy ho ba ang parangal event na gagawin ninyo next week?” tanong ni Charlie.

“Oo, kaya ko nga kayo gustong makausap, sana ay makadalo kayo kasi isa ka sa pararangalan namin Dj Dianne.”

“H-ha? ako po?”

“Oo, sinabi ko ito sa’yo para makapaghanda ka ng kahit konting speech lang na makakapagbigay inspirasyon din sa mga bata.”

Naputol ang usapan nila sa pagdating ni Michael. Bumaba ito mula sa kotse at kumaway sa kanila.

“Good morning sister, good morning Dianne, and…”

“Dj Charlie!” pakilala ni Charlie sa sarili niya sabay abot ng kamay dito.

“Nice to meet you Dj Charlie!”

“Same here!”

“By the way po sister, nandito po ako para personal na iabot sa inyo ang karagdagang tulong ng Emerton at ang pasasalamat na rin ng boss namin sa pag-invite niyo sa kanya, kaya lang po he’s out of town next week so humihingi rin po siya ng paumanhin na baka hindi siya makarating.”

“Huwag kang mag-alala Michael, okay lang naman ‘yon, ipaabot mo sa kanya, ang importante ikaw, sana makarating ka.”

“Ah opo, darating po ako pangako ‘yan.” Sabay sulyap ni Michael kay Dianne na nakatitig sa kanya habang nagsasalita siya. Agad namang nagbaba ng tingin ang dalaga.

Biglang tumunog ang cellphone ni Charlie.

“Hello? Yes, okay sige on the way na’ko.”

Related Posts

Pagkatapos kausapin ang tumawag ay bumaling si Charlie kay Dianne.

“Dianne, okay lang ba kung mauna na’ko? si Lilibeth kasi, nagpapasama sa doctor…”

“Doctor? Teka, siya ba ay…” sadyang binitin ni Dianne ang sasabihin na na-gets naman ni Charlie.

“It’s not confirm, but we’re hoping! nag-double p.t. kasi si Lilibeth, sa unang test niya she’s pregnant, para makumpirma inulit niya ang pag-pregnancy test pero negative naman ang lumabas so kailangan talaga niyang kumunsulta na sa doctor.”

Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Dianne, but deep inside ay may bahagi ng puso niya ang nasaktan. Matagal na kasi niyang gusto si Charlie, simula pa lang ng maging dj siya, kasabayan niya ito at ito ang naging pinaka-close sa kanya sa lahat ng kapwa dj. Kaya naman nang dumating sa buhay nito si Lilibeth at hindi na umalis ay hindi niya maiwasang masaktan lalo na ngayon na magkakaanak na pala ang mga ito.

“Well, what can I say? E ‘di wow, congrats in advance!” ani Dianne.

“Sana mag-dilang anghel ka, o pa’no, mauna na’ko ha!”

“Sige, ingat ka.”

Nagpaalam na rin si Charlie kina Sister Paloma at Michael.

Sandali na lang ang naging pakikipag-usap nila sa madre at nagpaalam na rin si Dianne.

“Dianne, buti pa sumabay ka na sa’kin, pareho naman tayo ng way.”

“Naku no thanks, magtataxi na lang ako nakakahiya naman sa’yo!”

“Ano ka ba, akala ko ba friends na tayo?”

Saglit na nag-isip si Dianne bago sumagot.

“S-sige na nga, sure ka okay lang ha?”

“Okay na okay!” nakangiting tugon ni Michael.

Habang sakay ng kotse ay panay ang nakaw nila ng sulyap sa isa’t isa. Kapag nagtatama ang mga paningin nila ay para silang mga teenager na nag-uunahan sa pagbaba ng tingin na tila nahihiya.

“Michael, since friends na tayo, magkuwento ka naman ng tungkol sa’yo…” basag ni Dianne sa nakakailang na katahimikang namagitan sa kanila.

“Tungkol sa ‘kin? Wala namang interesting sa buhay ko, nasa province ang mga magulang at kapatid ko… bakit kaya hindi na lang ikaw ang magkuwento ng tungkol sa’yo?” sinadya ni Michael na hindi sabihin ang tungkol sa asawa’t anak.

“Ako? Meron akong isang simple at mapagmahal na pamilya, ang mama ko, ang papa ko at dalawang kapatid na lalaki, ang mga kuya ko…”

“Teka, may… may bf ka na ba?”

Hindi ipinahalata ni Dianne na nabigla siya sa tanong ng lalaki. (Itutuloy)