Una sa Balita

The Beloved DJ

By
0 204

Ika-4 na labas

“Wala na Dj Dianne, madaling-araw pa lang nandito ka na, inaasikaso mo na ang Valentines party para sa mga bata, siguradong si St. Valentine ay kuntento na rin sa mga preparation na naihanda mo, kaya sa tingin ko dapat ka ng mag-relax!” nakangiting tugon ng madre.

Pagkagaling kasi sa istasyon ay dito na dumiretso si Dianne.

“Siyanga pala hija, mamaya ay may darating ta­yong bisita, si Mr. Michael San Luis, siya ang bagong representative ng Emerton company. Inimbitahan siya ni Sister Greta , para mapag-usapan na rin ang tungkol sa offer nila para sa foundation.”

“No problem po sister, mas marami tayo mas masaya! Excuse lang po, iche-check ko lang yung Mr. Valentines clown na inarkila namin.”

Matapos iyon ay idinayal na ni Dianne ang numero ng agency ng inarkilahang clown.

“Ah okay, so on the way na po sila?”

Habang nakikipag-usap sa phone ay napatingin si Dianne sa lalaking sakay ng kotse papasok sa gate ng foundation. Sa unang tingin ay napakagwapo nito sa kanyang paningin.

akaramdam agad siya ng paghanga.

“Wow!” nasabi niya.

“Naku ma’am wow po talaga ang mga clown talents namin kaya hindi kayo magsisisi!” sagot ng kausap niya sa cellphone.

“H-ha? Oo, sana nga!” tugon na lang niya maski hindi naman ito ang pinatutungkulan niya sa salitang wow.

Pabalik na siya sa loob nang bigla siyang matigilan, natanaw kasi niya ang usok na nanggagaling mula sa kusina ng foundation house.

“Oh God… no, no please!” pakiusap niya nang makumpirma ang nagsisimulang sunog.

Tumingala siya sa ikalawang palapag na siyang kinaroroonan ng mga bata. Nag-alala siya kaya tinakbo niya iyon. Nagsimulang magkagulo ang mga madreng nag-aalaga sa mga bata. Kanya-kanya sila ng takbo patungo sa itaas. Natataranta ang lahat. Lahat sila ay ang kaligtasan ng mga bata ang nasa isip.

“Sister Greta, wala na bang bata sa itaas?” tanong ni Dianne sa nakasalubong na madre dala ang ibang bata.

“Hindi ako sigurado, dadalhin ko muna sila sa ground!”

“Sige po!”

Maraming mga bata na ang nailabas. Patuloy pa rin ang paglaki ng apoy, kumakapal na rin ang usok sa loob.

“Lord save us!”

Napahinto ang dalaga sa paghakbang paakyat sa paikot na hagdanan. Nakaramdam na kasi siya ng pagkahilo. Subalit may narinig siyang tinig na sumisigaw mula sa itaas.

“TULONG PO! TULUNGAN NYO PO AKO!” boses iyon ng isang bata.

Kaya naman ipinagpatuloy ni Dianne ang pag-akyat. Nag-uunahan ang kanyang mga paa.

“ASAN KA?” sigaw niya habang hinahawi ang nakakasulasok na usok.

“TULONG PO!” patuloy na pag-iyak ng bata.

Tinunton ni Dianne ang pinagmumulan ng tinig,Mula iyon sa nakasaradong banyo sa itaas.

“JIMBOY IKAW BA ‘YAN? NANDIYAN KA BA SA LOOB?” nakilala ni Dianne ang tinig dahil halos lahat ng mga bata roon ay naging pamilyar na sa kanya.

“OPO!”

“BUKSAN MO ANG PINTO!”

“HINDI KO PO MABUKSAN!” umiiyak na sigaw ng batang lalaki.

Related Posts

Naghanap ng maihahampas sa seradura ng pinto si Dianne. Isang kahoy mula sa sirang silya ang kinuha niya at siya niyang inihampas nang inihampas sa pintuan ng banyo. Hanggang sa magbukas ito at bumungad ang isang batang nasa edad sampu. Agad itong yumakap sa kanya.

“Ate Dianne!”

“Jimboy!”

“Salamat po Ate Dianne!”

“Sandali, makapal na ang usok!” Kinuha ni Dianne ang tuwalyang nakasabit sa likod ng pintuan ng banyo at binasa iyon sa gripo.

“Eto, isuklob natin sa’yo, takpan mo ang ilong mo!” natatarantang sabi ng dalaga.

Inalalayan niya ang bata palabas sa banyo.

“Tatakbo tayo ng mabilis okay? kapit ka lang sa’kin!”

“Opo!”

Nag-unahan ang mga paa nila sa paghakbang palabas subalit pagdating sa hagdanan ay na-out of balance si Dianne dahil sa pagmamadali kaya nagdire-diretso siyang nahulog, habang ang bata ay maagap na nakakapit sa kapitan ng hagdanan.

“ATE DIANNE!”

Bago pa man tuluyang magdilim ang paningin ni Dianne ay naramdaman pa niya ang mga bisig na bumuhat sa kanya palayo sa panganib.

Habang buhat naman ang dalaga ay hindi inaasahan ni Michael na matitigan ito. Sa isang saglit na nasa mga bisig niya ito ay isang estrangherong damdamin ang sumilip sa puso niya.

Sa ospital na nagkamalay si Dianne. Sa unti-unting pagmulat ng mga mata niya ay bumungad sa kanya ang inang nakayukong natutulog sa gilid ng kama niya.

“M-ma?” mahinang tawag niya kasabay ng paghaplos sa buhok nito.

Nag-angat ng ulo ang mama niya, Natuwa ito nang makitang gising na siya.

“Anak, pinag-alala mo kami, mabuti na lang at hindi masyadong masama ang pagbagsak mo! ”

“Sorry po ma, a-ang mga bata, okay ba silang lahat, si Jimboy?”

“Okay na sila, dumating naman agad ang mga bumbero, si Jimboy ligtas na siya, magpasalamat ka do’n sa lalaking nagligtas sa’yo.”

“Sino po siya ma?”

“Siya si Mr. Michael San Luis, nandito siya kanina, dinalaw ka niya pero umalis din agad kasi may trabaho pa siya pero sabi niya babalik daw siya mamayang gabi.”

Nagulat si Dianne. Parang kanina lang kasi ay hinangaan pa niya ito sa unang tingin pa lang, ngayon ay ito pala ang nagligtas sa kanya.

“Ma, ayoko nang abutin pa ng gabi rito, gusto ko na pong umuwi, okay na naman po ang pakiramdam ko eh!”

“Anak, kahit okay na ang pakiramdam mo kaila­ngan ka pa ring maobserbahan at ma-tsek ng doctor.”

“Hindi na po kailangan ma, please?”

Gabi.

Tinupad ni Michael ang pangako niyang dadalawin muli sa ospital ang dalaga. Pero…

“Nakalabas na po kanina si Miss Dianne Rivera.” Anang nurse na naka-duty sa information.

“Gano’n po ba?”

Malungkot na tiningnan ni Michael ang dala niyang boquet at isang basket ng prutas.

Dahil sa pagmamadali ni Dianne na makalabas ng ospital kaya sa bahay na siya nadalaw ni Menggay. Isang maliit na apartment ang nabili niya last year lang mula sa ipon niya.

Dalawang kanto lang ang layo mula sa bahay ng mga magulang. Gusto kasi niya maranasang maging independent kaya niya ginawa iyon. Gayunpaman madalas pa rin siyang dalawin ng mga magulang at paminsan-minsan naman ay pinupuntahan rin siya ng mga kuya niya. (Itutuloy)