Una sa Balita

The Beloved DJ

By
0 233

Ika-28 na labas

“Wag kang matakot sa’kin ha, call me Tita Dianne, I’m sure nandito lang sa paligid ang papa mo at hinahanap ka.”

“Thank you Tita Dianne…”

Tumayo sila sa harap ng bookstore.

“Alam mo kasi dapat nagpaalam ka sa kanya bago ka nagpunta sa toy shop, saka sa edad mong ‘yan, hindi ka pa dapat humihiwalay sa kanya. Teka, ilang taon ka na nga ba? saka anong name mo?”

“Candy, I’m seven years old.”

“C-candy?”

“Y-yes, my papa told me na hindi ako dapat makipag-usap sa stranger, but I trust you.”

“Totoo ‘yon, tama ang papa mo, marami kasing masamang stran­ger… ahm buti pa pumunta na lang tayo sa information area nitong mall, tapos ipa-page natin ang papa mo.”

“Sige po.”

Nagsimula na silang humakbang patungo sa information area. Matapos makipag-usap ni Dianne sa in charge doon ay saglit muna siyang nagpaalam sa bata.

“Candy dito ka lang muna ha, babalikan ko lang ‘yung friend ko sa coffee shop, kasi hindi rin ako nagpaalam sa kanya e, baka hanapin rin niya ko, but don’t worry, babalikan kita dito at hindi kita iiwan hangga’t hindi mo nakakasama ang papa mo okay?”

“Okay po Tita Dianne, bumalik ka agad ha!”

“Oo promise!”

Ilang saglit lang at pabalik na si Dianne sa information area kasama na niya si Menggay.

Nang bigla siyang matigilan sa paghakbang, nandoon na kasi ang papa ni Candy at para siyang kandilang itinulos nang mapagsino ito.

“Thank God, akala ko tuluyan kang mawawala eh!” si Michael.

“Dinala ako rito ni Tita Dianne, sabi niya babalikan niya ako at hindi iiwan hangga’t hindi kita nakakasama!”

“T-tita Dianne?” napakunot-noo si Michael.

“Yes papa! Tinulungan po niya akong hanapin ka, she’s beautiful and kind!”

Nagpalinga-linga si Michael. Hindi niya nakita ang dalaga na nagkubli sa likod ng isang mannequin na nakapronta sa harap ng department store malapit sa information area.

Related Posts

“Dianne, ano na, hindi ka ba magpapakita?” bulong ni Menggay na nakikubli rin sa likod ng kaibigan.

“Para ano? Buti pa umuwi na tayo.”

Gabi. On air.

“Have faith… that things will work out, maybe not how you planned,but how it’s meant to be…very true po mga listeners, kung minsan kasi may mga bagay na akala natin hindi na mangyayari, pero hindi man ito ayon sa plano natin, mangyayari at mangyayari pa rin sa sariling paraan ng tadhana… well I guess it’s just our fate.”

Lingid kay Dianne ay tahimik na nakikinig si Michael sa programa niya habang mag-isa itong umiinom ng beer sa terrace nila. Naaalala pa ng lalaki ang sinabi ng anak.

“Dinala ako rito ni Tita Dianne, sabi niya babalikan niya ako at hindi iiwan hangga’t hindi kita nakakasama!… yes papa! Tinulungan po niya akong hanapin ka, she’s beautiful and kind!”

Nilagok ni Michael ang beer.

“Posible kayang nakita na niya ako kaya hindi na siya nagpakita pa kay Candy?”

Matapos ang programa niya ay sabay na umuwi sina Dianne at Menggay. Nakisakay kasi sa kotse ng kaibigan niya ang huli.

“Pasensya na bhe ha, hindi kasi ako masusundo ng jowa ko.”

“Ano ka ba, okay lang kahit araw-araw kitang ihatid sa inyo, doon din naman ang way ko ‘di ba?”

“Oo nga pala, iba na nga pala ang apartment mo, mas malapit ka na sa’kin ngayon.”
Habang nagmamaneho ay walang kibo si Dianne.

“Bhe, iniisip mo ba siya?” naisipang itanong ni Menggay.

“Oo na, aaminin ko sa’yo, naiisip ko siya… bakit ba nakita ko pa siya ulit?”

“Hindi ko masasagot ‘yan, buti pa kalimutan mo na lang, kasi nakaligtas ka na sa kumunoy eh, ‘pag inisip mo siya nang inisip baka mahulog ka ulit at hindi ka na makaahon pa.” Paalala ni Menggay.

“Tama ka… tama lang na hindi ako nagpakita sa kanya… at dapat hindi ko na rin siya isipin…”

Pinuntahan ni Michael si Dianne sa apartment nito pero wala na ito roon. Ang sabi ng kapitbahay ay lumipat na raw ito. May naisip siya kung paano siya muling mapapalapit sa dalaga.

On air.

“Yes, caller number two, pasok!”

“Hi Dj Dianne…”

Natigilan si Dianne sa pamilyar na boses na iyon.

“Gusto ko lang sanang i-share sa programa mo ang problemang puso ko.” anang tinig sa kabilang linya.

“Okay, before that syempre naman kailangan mo munang magpakilala sa ating mga listeners!” (Itutuloy)