Una sa Balita

The Beloved DJ

By
0 213

Ika-24 na labas

Maya-maya pa ay ilang bote na ang naitaob ni Michael. Tumayo siya at sumigaw ng ubod ng lakas.

“MAHAL KITA DIANNE! MAHAL NA MAHAL!”

Paulit-ulit niya itong isinisigaw sa lawak ng dagat kasabay ng malamig na ihip ng hangin.

Malinaw naman itong naririnig ni Dianne, na mula sa likuran ng isang puno ay tinatanaw ang lalaki.

“Michael…” nagsimulang mangilid ang luha ng dalaga. Agad niyang pinahid iyon bago pa man pumatak sa pisngi niya.

Dahil ilang araw nang parehong nasa Batangas sina Michael at Dianne ay nagsimulang umatake muli ang mga bashers ng dalaga. Nag-post kasi si Veronica sa fb niya na iniwan na siya ng asawa at malamang ay magkasama na ang mga ito ngayon, na ang tinutukoy ay sina Michael at Dianne.

“Dj Dianne, naturingan kang tagapayo pero ikaw mismo hindi marunong sumunod sa mga payo sa’yo! You’re a piece of shit!” mula sa isang netizen.

“Dianne, isoli mo na si Michael kay Veronica, sila ang mag-asawa, sabit ka lang, kaya bumitaw ka na!”

“Wake up Ms. Dj, marami pa namang iba diyan na walang sabit at hindi ka lolokohin!” mula naman sa isa pa.

“Dj may quotes ako para sa’yo, you can’t make the same mistake twice, the second time you make it, it’s no longer a mistake, it’s a choice!”

Tinamaan si Dianne sa nabasa niya mula sa mga mensahe ng mga taong nagmamalasakit habang ang iba ay nanghuhusga. Maging ang mga magulang niya at si Menggay ay napatawag sa nabalitaan.

“Dianne, bhe, nabawi mo na ang dignidad mo, ‘wag mong hayaan na mawala ito ulit sa’yo!” si Menggay sa cellphone.

“Anak, nag-aalala ako sa’yo… ‘wag kang magpadala sa matatamis na salita ng dila, ‘wag na ‘wag kang magpapabola ulit, ikaw rin ang kawawa sa huli,” ang mama naman ni Dianne.

Ini-off niya ang laptop at lumabas. Gusto sana niyang huminga sandali para maibsan ang pait sa puso niya, pero napahinto siya sa paghakbang nang matanaw si Michael mula sa malayo. Palusong ito sa tubig.

“Anong gagawin niya… maliligo ba siya?” tanong ng dalaga sa isip.

Subalit patuloy lang ang ginawang paglusong ni Michael. Tila walang pakialam palalim man nang palalim ang tubig.

Nagsimulang humakbang si Dianne palapit sa lalaki. Parang kinakabahan kasi siya.

“Bakit hindi pa siya humihinto?”

Sa mga sandaling iyon ay walang ibang laman ang isip ni Michael kundi ang nakangiting imahe ng mukha ni Dianne. Pagkatapos ay mapapalitan ito ng umiiyak na imahe nito. Magsasalitan sa isip niya ang dalawang imaheng iyon ng dalaga.

“Dianne… kung hindi rin lang ikaw ang makakasama ko habambuhay, mas mabuti pang ngayon pa lang ay magwakas na ang buhay ko…”

Related Posts

Nang nasa leeg na ni Michael ang tubig at patuloy pa rin ito sa paghakbang ay nag-alala na si Dianne. Patakbo siyang lumapit sa kinaroroonan ng lalaki.

“MICHAEL!” kabado niyang sigaw.

Hindi lumingon si Michael. Lumusong na rin sa tubig si Dianne.

“MICHAEL!” patuloy niyang tawag.

Nagsimulang lumubog ang lalaki. Mabuti na lang at marunong lumangoy ang dalaga.

Sinisid niya ito bago pa man ito tuluyang lumubog.

“Dianne, hayaan mo na ko!” ani Michael habang pilit siyang hinihila ni Dianne paahon.

“Magpapakamatay ka ba?”

“Oo, handa na ako! Ito lang ang paraan para makalimutan kita!”

“Nababaliw ka na!”

Nanatili sila sa tubig habang nagtatalo.

“Oo nababaliw na ako kaya sana hindi mo na ko pinigilan!”

“Michael, may anak ka, hindi mo man lang ba siya naisip?” umiiyak na sabi ng dalaga.

Natigilan ang lalaki. Subalit…

“Mahal ko ang anak ko… pero pinahihirapan ako ng pag-ibig ko sa’yo… and I don’t think I can live without you…”

Napailing si Dianne habang umiiyak. Hinawakan ni Michael ang mga kamay niya.

“Dianne, nakikiusap ako, papasukin mo ulit ako sa puso mo… ikamamatay ko talaga kung tuluyan mo akong iiwan!”

“Makinig ka sa akin Michael, ito na ang huling beses na makikiusap ako sa’yo… bumalik ka na sa pamilya mo, kailangan ka ng anak mo, siya ang dapat maging sentro ng buhay mo hindi ako!”

“Sabihin mo nga sa akin Dianne, hindi mo na ba talaga ako mahal?”

Hindi makasagot ang dalaga habang nakatitig sa mga mata niya si Michael. Umiwas siya ng tingin.

“Mahal mo pa ko ‘di ba Dianne? Sweetie mahal mo pa ko ‘di ba?”

“Oo na, sige na, hindi naman agad mawawala ‘yon kahit galit na galit ako sa ginawa mong panloloko sa akin, mahal pa rin kita! Pero hindi na sapat ‘yon… hindi na iyon sapat para ipagpatuloy pa natin ito!”

Saglit na namagitan ang katahimikan. Binawi ni Dianne ang mga kamay at nagsimulang humakbang palayo. Napahinto siya sa muling pagsasalita ni Michael. (Itutuloy)