Una sa Balita

The Beloved DJ

By
0 213

Ika-23 na labas

“Michael naman! Mag-isip ka nga! Tigilan na natin ito, ‘wag na nating pahirapan ang mga sarili natin! Hindi tayo para sa isa’t isa at wala na tayong magagawa pa sa katotohanang ‘yon! ako ang nagmamakaawa sa’yo, palayain mo na’ko!” pagkasabi niyon ay tuluyang tinalikuran ni Dianne ang lalaki at naglakad palayo, pabalik sa tinitigilan nitong bahay ng kaibigan.

Hinabol ni Michael si Dianne at hinawakan ito sa braso.

“Dianne parang awa mo na, ‘wag mo akong layuan!”

“Please Michael, ikaw ang maawa sa’kin!”

Habang nagtititigan ang kanilang mga mata ay unti-unting binitiwan ni Michael ang braso ng dalaga at hinayaan na itong makalayo. Bagsak ang balikat na siya naman ang sumalampak sa buhanginan at malungkot na tumanaw sa papalubog na araw.

“Mabuti pa ang araw, lumubog man ngayon,  pagdating naman ng umaga muling sisikat, pero tayong dalawa, ang pag-ibig natin Dianne, hindi na yata daratnan ng umaga, wala na yatang pag-asang sumikat…”

Umaga. Habang nagtitimpla ng kape ay nilapitan ni Nadia si Dianne.

“Dianne, ‘yung ex mo doon ko muna pinatuloy sa isang cottage room dito sa resort.”

“Ano? Nandito pa rin siya?”

“Oo, aba’y nakita ko ba naman na natutulog sa buhanginan kagabi, inuunan ‘yung dala niyang bag, ala e, naawa naman ako kaya in-offer ko ‘yung cottage room. E ayaw niya raw lumayo dito kaya pumayag siyang uupa na lang muna. Pabor naman sa akin dahil kikita ako sa kanya, kaya lang syempre inaalala kita.”

“Hindi mo dapat siya tinulungan, para umalis na lang.”

“Ala e, Kahit anong tulak ang gawin mo sa kanya kung desidido siyang bantayan ka rito e wala kang magagawa, maliban kung ipapapulis mo siya.”

Hinigop ni Dianne ang mainit na kape bago muling nagsalita.

Related Posts

“Pulis?… parang hindi ko naman kayang gawin ‘yon sa kanya…”

“Kasi nga mahal mo pa rin siya.”

Saglit na natigilan si Dianne. Hindi niya kinontra ang sinabi ng kaibigan. Totoo naman kasi ‘yon, mahal pa talaga niya si Michael, kaya nga siya nahihirapan ngayon.

“Di bale, mapapagod rin siya, magsasawa rin siya kakasuyo sa’kin…”

“E pa’no kung hindi, ala e, may plano ka na ba?”

“Wala pa… hindi ko rin alam…”

“Dianne, payong kaibigan lang, wag kang magpapabulag sa tawag ng pag-ibig, palagi mong buksan ang isip mo para sa tama. Maliban na lang kung dumating ang panahon na mapatunayan n’yo sa isa’t isa at sa buong mundo na kayo talaga ang itinadhana ng Diyos.”
Tumango-tango si Dianne bilang pagsang-ayon sa sinabi ng kaibigan.

Kung dati-rati ay madalas pang makapaglakad-lakad at makapagmuni-muni si Dianne sa tabi ng dagat, ngayon ay hindi na niya magawa dahil palagi siyang nauunahan ni Michael.

Tila palagi itong naghihintay sa kanya doon. Tulad ngayon na nakita niya itong nakatayo at nakaharap sa dagat. Saglit niya itong tinitigan mula sa malayo. Magtatangka siyang lapitan ito pero sa huli ay magpapasya siyang talikuran na lang ito at bumalik na sa bahay.

May mga pagkakataon na kumakatok si Michael sa bahay ng kaibigan niyang si Nadia, pero sa tuwing mapagbubuksan niya ito ay agad din niyang isinasara ang pintuan.
“Dianne wait! Kausapin mo ko please? ­DIANNE! DIANNE!”

Gustung-gusto man ng puso ni Dianne na maki­pag-usap ay pinipigilan niya ang sarili. Natatakot kasi siyang ipagkanulo  siya ng tunay na nararamdaman.

May mga pagkakataon din na dinadalhan siya nito ng makakain at bulaklak pero ipinapasoli niya lang.

“Michael, sorry ha, pero sa tingin ko wala namang patutunguhan itong mga ginagawa mo.” Si Nadia habang iniaabot muli sa lalaki ang boquet ng bulaklak na pinabalik ni Dianne.
“Hindi pa rin ako susuko, alam ko mahal pa rin ako ni Dianne.”

“Okay, ipagpalagay na, na nagmamahalan pa rin kayo, ala e, sa tingin mo ba magiging masaya ang pagsasama n’yo kung alam n’yo na may nasasaktan kayong iba?… sorry kung nakikialam ako Michael ha, mas may karapatan kasi sa’yo ang pamilya mo, at dahil sa ginagawa mong ito nagdurusa sila… ala e, hindi ka ba nakokonsensya?”

Napabuntong hininga si Michael sa sinabi ni Nadia. Pero nahihirapan siyang kalabanin ang puso niya na ang isinisigaw ay si Dianne.

Gabi. Naupo si Michael sa buhanginan, katabi ang mga biniling alak. Mabuti na lang at madalang pa ang mga customers ng resort dahil hindi pa summer kaya hinayaan na lang siya ni Nadia na mag-inom sa tabing-dagat. (Itutuloy)