Una sa Balita

The Beloved DJ

By
0 230

Ika-21 na labas

“Ala e, kunsabagay, mahirap sumugal ulit sa pag-ibig, mabuti na lang at si Robert ko hindi man kaguwapuhan e mapagkakatiwalaan naman!”

Unang gabi ni Dianne sa resort. Lumabas siya at nagpahangin sa baybayin ng dagat. Nang mapagod sa kakalakad ay naupo siya sa buhanginan at tumanaw sa pinakamalayong maaabot ng kanyang mga mata.

Maya-maya pa ay tumingala siya sa langit at saka tinitigan ang malamlam na kislap ng mga bituin.

“Lord, hindi ko na itatanong kung bakit ako pa, kung bakit nangyari sa’kin ‘to… sige na po tatanggapin ko na, hindi lang naman ako ang nagkaroon ng ganitong problema, siguro marami kami, maraming mga babae ang umasa rin sa pag-ibig na gaya nito… at nabigo rin tulad ko… ang hihilingin ko na lang ­ngayon, sana mawala agad ‘yung sakit, sana hindi magtagal ang ganitong pakiramdam ko… sana makalimutan ko siya asap sa buhay ko… pakiusap po Lord…”

Ilang araw at linggo na ang matuling lumipas. Hindi makontak ni Michael si Dianne. Hindi na ito nagparamdam sa kanya kaya naman halos mabaliw siya sa kakaisip dito.

Pinuntahan niya si Menggay sa bahay nito kung saan niya hinatid dati si Dianne nu’ng birthday ng mamang nito.

“Michael, anong ginagawa mo dito?” gulat na tanong ni Menggay nang pagbuksan niya ng pinto ang lalaki.

“Please tell me kung saan ko pwedeng puntahan si Dianne, gusto ko siyang makita at makausap.”

“Alam mo, hayaan mo na lang muna ‘yung kaibigan ko, ang mabuti mong gawin ayusin mo na lang ang problema mo sa family mo, kawawa naman sila.”

“I know, pero mahal ko si Dianne, siya lang ang babaeng minahal ko ng ganito!”

“Okay, ipagpalagay na, na nagsasabi ka ng totoo ngayon, anong gusto mong mangyari? Ipagpapatuloy n’yo pa rin ang love story n’yo kahit may nasasaktan kayong ibang tao? Hindi ganoon ang kaibigan ko, hindi siya magiging masaya kung alam niyang nakakasakit siya ng iba,” malumanay na sabi ni Menggay.

Napabuntong-hininga si Michael at laglag ang balikat na umalis.

Natatakot man siyang humarap sa pamilya ni Dianne ay naglakas-loob pa rin siya at nagbakasakali na malaman niya ang kinaroroonan ng dalaga.

Related Posts

“Una sa lahat, ang kapal naman ng mukha mo na magpakita rito Michael, pangalawa tantanan mo na ang anak ko, ha­yaan mo siyang paghilumin na mag-isa ang sugat na ikaw ang may likha sa puso niya, at pangatlo ‘wag na ‘wag ka nang magpakita pa ulit sa amin, kahit kailan!” malumanay subalit ramdam ang galit sa tinig ng mama ni Dianne. Pagkasabi niyon ay pinagsarhan na nito ng pinto ang lalaki.

Mula doon ay sa isang bar dumiretso si Michael at nilunod na lang ang sarili sa alak.

“Nasa’n ka na Dianne… magpakita ka sa’kin… kausapin mo ako pakiusap… mahal ko…”

Ilang araw nang sunud-sunod ang paglala­sing ng lalaki. Hindi na sila halos nag-uusap ni Veronica.

Kaya naman halos  walang patid din ang pagpatak ng luha ng babae habang tinititigan ang dalawang taong gulang na anak sa pagtulog nito.

“‘Wag kang mag-alala ‘nak, babawiin natin ang papa mo…magigising din siya sa katotohanan at mare-realize niya na mas mahal niya tayo higit kaninuman…”

Isang umaga. Kausap ni Sister Paloma si Dianne sa telepono.

“O Dianne, kumusta ka naman diyan sa beach resort ng kaibigan mo?”

“Okay naman po ako dito sister, sariwa ang hangin at magaganda ang tanawin, siguro makaka-recover ako agad dito…”

“Mabuti naman kung gano’n, mabuti rin at mabait ang kaibigan mong si Nadia, nawa’y pagpalain ka ng Diyos diyan at ibigay niya sa iyo ang peace of mind na nararapat para sa’yo.”
“Thank you po sister, mag-ingat po kayo diyan, ikumusta n’yo lang po ako sa mga bata at kay Jimboy.”

“Ikaw din Dianne, mag-iingat ka diyan, at ‘wag mong kalimutan na magdasal!”

Natigilan sa pakiki­pag-usap si Sister Pa­loma nang mamalayan niya ang presensya ni Michael mula sa likuran.

“M-Michael? Kanina ka pa ba diyan?”

“N-ngayon ngayon lang po… sister nasaan po si Dianne? Please sabihin n’yo po sa’kin, gusto ko lang po siyang makausap!”

Naririnig pa ni Dianne mula sa kabilang linya ang usapan ng dalawa, napakunot-noo siya. (Itutuloy)