Una sa Balita

The Beloved DJ

By
0 230

Ika-12 na labas

“EEEEEEEE!” tili ni Menggay habang nagkakape sila ni Dianne sa coffee shop sa loob ng building. Subalit ang malakas na pagtili ay unti-unting humina nang mapatingin sa kanya ang iba pang customer doon.

“Menggay ano ba, hindi ito biro…”

“Sino ba ang nagbibiro, nabigla lang ako kaya ako napatili, kasi of all the people ikaw ‘yung ina­asahan kong pinakahuling babae na gagawa ng gano’n!”

“Ssshhh, hinaan mo lang ang boses mo…”

“Okay, so ano na, ano na ang next chapter sa inyong dalawa, kayo na ba as in?”

“Hindi ko alam, hindi ko pa siya sinagot… hindi pa kami nagkausap… saka nung umalis ako ng bahay natutulog pa siya, nag-iwan na lang ako ng notes at saka iniwan ko ‘yung duplicate key ng bahay para mai-lock niya bago siya umalis…”

“Kunsabagay gurl, uso naman na ‘yan nga­yon eh, sex without marriage, ‘yung iba nga without love pa eh, at least ikaw may damdamin ka naman na talaga para sa kanya ‘di ba at gano’n din siya sa’yo!”

“Tama na nga ang ganitong usapan, nalilito na talaga ko, parang kailangan ko munang mag-disappear!” sabay higop ni Dianne ng mainit na kape.

Dahil sa nangyari ay nag-leave muna si Dianne. Wala siyang ibang gustong gawin kundi ang magkulong sa kuwarto niya at iyakan ang pangyayari. Kahit sinasabi niya sa mga magulang na okay lang siya, alam niya sa sarili niya na hindi siya okay. Nalilito siya sa nararamdaman kung nagsisisi ba siya o natutuwa sa namagitan sa kanila ni Michael.

Deep inside kasi ay totoo namang may nararamdaman na rin siya para dito. Pero hindi niya inaasa­han na sa napakaagang pagkakataon ay mangyayari ang hindi pa dapat. Una niyang karanasan iyon at naibigay pa niya sa lalaking ni hindi pa niya boyfriend!

“Grabe, ang tanga-tanga mo Dianne… ang ta­nga-tanga mo talaga…”

Samantala. Hindi rin makapaniwala si Michael na siya ang nauna kay Dianne. Kaya naman halos okupahin na nito ang puso’t-isipan niya sa lahat ng oras. Maski rest day niya sa trabaho at oras sana para sa mag-ina niya.

“Papa!” nilapitan si Michael ng dalawang taong gulang na anak na babae.

“Hey Candy, how’s my little girl?”

Mula sa kusina ay lumabas si Veronica dala ang mga ginawang cookies.

“Michael, saan ka ba natulog kagabi, ang sabi sa office hindi ka naman daw nag-overtime?”
“Nag-over time ako, tapos nagkayayaan kami ni Carl na lumabas ng midnight at nagpunta kami sa isang bar. Inihatid ko si Carl sa kanila dahil la­sing na lasing na, doon ko na rin naisipang magpa­lipas ng gabi malakas na kasi ang ulan.”

Related Posts

Pagsisinungaling ni Michael. Alam naman kasi niyang pagtatakpan siya ng kaibigan kung sakali mang tanungin ito ni Veronica.

Hindi kumbinsido si Veronica pero pinaniniwalaan niya ang bawat sabihin ng asawa.

“By the way, kailangan kong mag-out of town for seminar next week, gusto mo bang sumama?”

“Of course not, puro ka-level mo lang ang kasama do’n, maa-out of place lang ako.” Ang mga may matataas na katungkulan sa kumpanya ang tinutukoy ni Michael.

Ilang beses tinawagan ni Michael si Dianne pero hindi ito sumasagot kaya pinuntahan niya ito sa apartment. Isang Dianne na simple at walang kaayus-ayos ang bumungad sa kanya.
“Dianne, can we talk?”

Saglit na nag-isip ang dalaga bago tumugon.

“Tuloy ka.”

Magkatabi silang naupo sa sofa.

“Una sa lahat gusto ko munang humingi ng sorry… for what happened… but I want you to know na kahit anong bagay na may kinalaman sa’yo ay hindi ko pagsisisihan, dahil bawat segundo na nakasama kita, napakahalaga na sa’kin no’n.”

“Talaga? mapapakasalan mo ba’ko?” diretsong tanong ng dalaga.

Natigilan si Michael. Pero agad din naman iyong binawi ng dalaga.

“Of course not, kasi hindi pa rin naman ako handa… saka isa pa, ni wala ngang tayo…”
Kinuha ni Michael ang kamay ng dalaga.

“Pwede mo ba’kong tanggapin diyan sa puso mo, para magkaroon na ng TAYO.”

“Michael…”

“Nakikiusap ako Dianne, mahal kita, at wala akong gagawin para masaktan ka…”

Saglit na namagitan ang katahimikan habang hawak ni Michael ang kamay ng dalaga.

Gusto ko pa kasi sanang pag-isipan ni Dianne ang isasagot niya pero tila nagmamadali na ang puso niya na sabihin ang nilalaman nito.

“Ahm… okay… Ipagkakait ko pa ba sa’yo ang oo ko kung nakuha mo na ang pinakamaha­lagang bagay sa’kin… oo na , mahal din kita…” (Itutuloy)