Una sa Balita

Belo nagpasabog, tagpos sa Elite

By
0 836

Eksplosibo na ang produksiyon ni Mac Belo, binalikat ang comeback ng Blackwater kontra Magnolia Biyernes ng gabi sa MOA Arena.

Pero sa dulo, si Belo din ang nagkamali at yumuko ang Elite sa Hotshots 78-72.

Nasayang tuloy ang produksiyon niyang 25 points, 14 dito sa fourth quarter nang humabol ang Blackwater at tumabla.

Mukhang makukumpleto ng Elite ang ahon mula 18-puntos na pagkakaiwan, pero nadiskaril sa miscues ni Belo sa dulo.

Matapos mabawi ng Magnolia ang lead 74-72, natawagan ng backcourt violation si Belo.

Nakapuwersa ng turnover ang Elite sa kabila, rumagasa na sa fastbreak si Belo pero sa halip na idiretso sa basket ay ipinasa sa humahabol na kakamping si John Pinto ang bola.

Kabyos ang layup ni Pinto 13 seconds na lang sa laro, at sinelyuhan ng tigalawang free throws nina Jio Jalalon at Justin Melton ang panalo ng Magnolia.

Nauuna na sa pulutong ang Hotshots sa 6-1, nabaon naman sa 2-5 ang Elite.