Una sa Balita

Halaga lumagapak ng 64% dahil kay Digong Kris, Vic, Angel lugi sa ABS-CBN

0 936

Mahaharap sa pagkalugi ang mga prominenteng celebrity at politiko na may malaking porsiyento ng stock sa ABS-CBN sakaling magtagumpay si Office of the Solicitor General (OSC) Jose Ca­lida sa inihain nitong quo warranto petition sa Korte Suprema laban sa higanteng istasyon.

Sa dokumentong napasakamay ng Abante at Politiko kabilang dito ay ang multi-platinum composer-singer na si Jose Mari Chan, Quezon City Mayor Joy Belmonte, amang si dating House Speaker Feliciano ‘Sonny’ Belmonte at dating Vice President Noli de Castro.

Ang mga nabanggit na perso­nalidad ay kabilang sa bigating mga stockholder na walang kaugnayan sa pamilya Lopez at nagmamay-ari ng 65% ng kabuuang halaga ng nangu­ngunang media conglomerate sa bansa.

Ang iba pang lumutang na kabilang sa ‘Top 100 stock holders’ ng ABS-CBN ay ang showbiz royalties na sina Kris Aquino at Vic Sotto.

Pasok din sa listahan sina Angel Locsin, Kim Chiu, Angelica Panganiban at film director Olivia Lamasan.

Maging si dating National Youth Commission (NYC) chair Aiza Seguerra na tagasuporta ng administrasyong Duterte ay kasama,

Nasa listahan din ang aktor na si John Estrada sa listahan ng mga stockholder ng Lopez-controlled firm.

Nabatid na unang pumutok ang listahan ng mga stockholder sa mga kongresista at kanilang mga staff at ibinahagi sa kanilang Viber group nitong Martes.
Ang diumano’y largest co-owners ay ang Lopez Inc., 480,933,747 shares of stocks; PCD Nominee Corporation, 352,410,599; Jose Mari Lim Chan, 1,257,130; Ching Tiong Keng at ABS-CBN Foundation Inc., 780,995 shares.
Si De Castro ay nakapuwesto sa ika-25 na sinundan ng mga Belmonte sa pang-26.

Mas malaki naman diumano ang share ni Director Lamasan na nasa pang-20 kumpara sa tatlong politiko.

Si Locsin ay pang-29 habang si Sotto at Seguerra ay 76th-77th.
Nasa listahan din si Daniel John E. Ford o Daniel Padilla, na pang-number 54.

Pang-number 79 naman ang mahusay na aktres, komedyante na si Angelica Panganiban.

Si Kimberly Sue Yap Chiu (96) ngayon, o Kim Chiu, dahil marunong pala talaga siyang mag-invest ng kanyang kadatungan.

Kahapon din ay nag-post si Angel sa kanyang IG ng mensahe at ang mga maliliit na tao sa industriya ang sentro ng kanyang pag-alala sa posibilidad na magsara ang Dos.

“Isang pakiusap. ‘Think before you click’. Mga cameramen, utility, art department, technical department, production, actors, directors, caterers, producers, lightmen, crew, tents, etc. Mga ilan sa libo-libong tao sa loob ng isang network. KAMI po ang ABS-CBN.

“Sa ilang taon ko po sa ABS-CBN, nakilala at minahal ko ang mga tao dito. I have listened and known their stories — kung anong mga pinag-iipunan nila, magkano pa ang utang, sino ang nagkasakit… lahat pinagpapaguran para po sa pamilya nila.

“I may have not renewed my contract with ABS since I’m preparing for my wedding, but these men will always be my family and I will stand by them. Mahal ko sila at hindi po ito drama kundi kung sino po ang mas magdurusa sa sitwasyong ito. Bago po tayo magsalita, isi­ping mabuti kung makakasira ba ito ng buhay ng napakaraming tao. Kung ito ho ba ang tamang solus­yon? Kung meron pong pagkakamali man, gawin po nating tama. Hindi po ang pagpapasara ng isang network ang makakatulong sa amin at sa pamilya po namin. We have families that rely on us kagaya nyo rin po. Konting pag-unawa lang po. Isang pakiusap. ?? ABS-CBN team behind the set. #NoToABSCBNShutDown,” pakiusap ni Angel.

Wala namang mga Instagram post si Kris Aquino, dahil mas nakatuon ang atensiyon niya sa pagpapagaling.

Simula nang banatan ni Pangulong Duterte ang ABS-CBN, bumagsak ng 64% ang halaga ng shares ng kompanya o katumbas ng P25 bilyon.
Bukas ang pahayagang ito sa mga mensahe, panig, paha­yag ng mga nabanggit na personalidad. (JC Cahinhinan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More