Una sa Balita

Bello pinasisibak ng mga tinamaan ng giyera sa endo

By
0 3,345

KUMBINSIDO si Labor Secretary Silvestre Bello III na lalo pang lumakas ang mga pagtatangkang mapatalsik siya sa kanyang posisyon dahil sa pagsanib ng mahigit 20 kompanya na binigyan niya ng ultimatum para wakasan ang ipinatutupad na kontraktuwa­lisasyon sa mga kaanib nilang higanteng kompanya sa bansa.

Sinabi ng kalihim na mayroong kapasidad ang mga kompanyang ito na gibain ang kanyang reputasyon at sirain ang kanyang pa­ngalan dahil sa kanilang kapangyarihan, koneksiyon at pera.

Dagdag ng kalihim, hindi naman siya nagulat o nagtaka kung inaani niya ngayon ang ngitngit ng mga kompan­yang ito dahil sa napakalaking pera na nawala sa kanilang kaban na maaaring nagpalumpo sa kanilang operasyon.

Gumaganti aniya ang mga ito at ngayon ay nakikipagsabwatan pa sa iba’t ibang grupo sa pagwakwak sa kanyang pagkatao at pagnanais na masipa siya sa gabinte ni Pangulong Duterte.

Bilang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE), ipinaliwanag ni Bello na sumunod lang siya sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na putulan ng sungay ang mga kompanyang nagpapahirap sa mga manggagawa sa pamamagitan ng pagwawakas sa labor-only contracting scheme.

Matatandaang noong Enero ng taong ito, inatasan ni Bello ang mga malalaking kompanya sa bansa na i-regular na ang kanilang mga empleyado at bayaran sila sa kanilang mga unpaid benefit.

Pinaputol din ni Bello ang service contract ng mga ito sa mga higanteng kompanya kung kaya nawalan sila ng mga kliyente na re­gular na nag-aakyat ng milyon-milyong kita sa kanilang mga bulsa.

Nagsimula ang pag-atake kay Bello nang mag-apply siya bilang aspirante sa posisyon ng Ombudsman. Gayunman, hindi pinalad ang kalihim at agad na nabura sa listahan ng mga aspirante sa nasabing posisyon.