Una sa Balita

Bello pinagbibitiw sa akusasyong ayaw tumulong sa OFW

By
0 754

IGINIIT ng grupong Kilusang Pagbabago National Movement for Change ang pagbibitiw sa puwesto ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III kasunod ng akusasyong tumanggi umano itong tulungan ang isang overseas Filipino worker (OFW) na maiuwi ang siyam na buwang sanggol nito na nasa Saudi Arabia.

Sa ginanap na pulong balitaan, inakusahan pa ni Alie Dizon, secretary general ng grupo, si Bello na walang puso at walang malasakit sa tao, kaya hindi aniya karapat-dapat sa naturang posisyon.

“Secretary Bello, alam mo sa sarili mo ‘yan, hindi ka karapat-dapat diyan dahil wala kang puso, dahil wala kang malasakit sa mga tao. Alam mo ‘yan, huwag kang magpapogi,” ayon kay Dizon.

Nagbanta pa ito na ibubunyag ang iba pang umano’y mga iligal na aktibidad ng kalihim kung hindi ito bababa sa puwesto. Hinamon din niya si Bello na magpa-lie detector test upang malaman kung sino sa kanila ang nagsasabi ng katotohanan.

Nalaman na naghain na rin ang grupo ng reklamo laban kay Bello sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Samantala, itinanggi naman ni Bello ang paratang at sinabing posibleng may kinalaman ito sa kanyang aplikasyon upang maging kapalit ng magreretirong si Ombudsman Conchita Carpio-­Morales.

Hinamon din niya ang mga nag-aakusa sa kanya na magpakita ng ebidensiya na magpapatunay na sangkot siya sa korapsiyon. “‘Pag nakakita sila, magre-resign ako,” ayon Bello.

Sinagot din ni Bello ang alegasyon ni Dizon na pumunta ito sa kanyang tanggapan para mag-follow-up ng isang kaso laban sa isang rec­ruitment agency na mahigpit na ipinagbabawal at hindi para humingi ng tulong tungkol sa isang sanggol na naiwan ng kanyang ina sa Al-khobar.

Sinabi ni Bello na kung tungkol sa sanggol ang inihingi ng tulong ay walang dahilan para hindi sila tulungan.
Nakahanda rin umano si Bello na sagutin ang anumang reklamo na isasampa laban sa kanya.