Una sa Balita

Bello, Paras nagkainitan sa DOLE flag ceremony

0 937

Nagpang-abot at nagpasaringan sina Labor Secretary Silvestre Bello III at sa isa niyang undersecretary sa panahon ng flag-raising cere­mony sa kagawaran.

Kinumpirma ni Labor Undersecretary Jing Paras ang insidente. Nagsimula ito nang banggitin ni Bello na may isang ‘cobra’ at ‘traydor’ sa loob ng departamento sa panahon ng kanyang talumpati.

Hindi aniya maipagkakaila dahil isa itong pampublikong bagay na nangyari pagkatapos na ng flag ceremony at naniniwala ito na siya ang tinutukoy ni Bello.

Nabigla na lang ako na nagsabi siya na, ‘Mayroon ditong cobra. Ito na naman, ang cobra umaarangkada na naman, ‘yung snake, traydor, ahas. Tinitira na naman ako,” pahayag niya.

Ayon kay Paras, sinabi ni Bello na ang ‘cobra’ ay ang parehong tao na nagharap ng isang affidavit sa Malacañang tungkol sa umano’y aktibidad ng korapsyon na kinasasangkutan ng ilang mga opisyal ng DOLE at mga ahensiya ng recruitment.

“Sinabi niya, ‘Hindi ba, Usec. Paras?’ sa mikropono. Tumayo ako,” ani Paras.

Sinubukan aniya niyang ipaliwanag kay Bello na sinamahan lamang niya ang nagrere­klamo sa Palasyo dahil ito ang utos ng Pangulo.

Gayunman, itinanggi niya ang paratang na idinidiin niya si Bello na may mga sariwang akusasyon ng labis na paglalakbay at iba pang mga iregularidad.
Itinanggi naman ni Bello na binanggit niya ang pangalan ni Paras nang ihayag ang kanyang talumpati sa nakaraang flag ceremony.

Aniya handa niyang iwanan ang kanyang puwesto sa kagawaran kung ito ang pinaka-mainam na aksyon na kanyang gagawin. Nire­respeto pa rin niya si Bello kahit pagkatapos ng kanilang argumento. (Mina Aquino/Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More