Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Belen, Lady Bulldogs pinulutan Tigresses

0 59

NAPANATILI ng National University (NU) Lady Bulldogs ang malinis na kartada sa 84th season ng UAAP women’s volleyball tournament mula sa balanseng atake sa limang manlalaro na kumana ng double digit scoring sa pangunguna ni Mhicaela Belen nang pataubin ang UST Lady Tigresses 25-21, 25-21, 21-25, 25-15, kahapon sa ikalawang laro sa Mall of Asia Arena.

Kumamada si Belen ng 16 puntos (16 attacks), 11 excellent digs at 11 excellent receptions upang manatiling koponan sa liga na walang talo sa 5-0 at tangkaing puntulin ang matagal na pagkagutom sa kampeonato na huling napanalunan noon pang 1956.

Nanguna naman sa puntusan para sa Lady Bulldogs si Allyssa Solomon na bumanat ng husto sa fourth set sa 7 sa kabuuang 17 points (15 attacks, 2 ace).

Nag-ambag rin ng 13 points si Sheena Toring, habang si Ivy Lacsina ay may 11 marka.

Naging mahusay naman ang pagtitimon sa loob ng court ni Camila Lamina na may 23 excellent sets, habang dumepensa naman si Jeniffer Nierva sa 15 excellent digs at 15 excellent receptions.

Nagpasimula ng mahusay na atake ang Lady Bulldogs sa first set nang bumitaw ito ng 12 attacks, habang naging malaking tulong ang 12 errors ng Lady Tigresses, kasama pa ang 3 service ace at isang block.

Napanatili ng Sampaloc-based squad ang kanilang magandang atake sa second set sa 14 points at muling nakakuha ng tulong sa 9 errors ng Espana-based spikers, habang mayroon itong 3 blocks at 2 service aces.

Subalit pagtuntong ng third set ay lumikha ng 16 errors ang Lady Bulldogs para takpan ang 13 attacks na nairehistro nito, habang tabla pareho sa tig-2 blocks at tig-1 service aces ang dalawang panig.

Hindi na hinayaan pa ng Lady Bulldogs sa pangunguna ni Solomon, na hayaan pang makaisang muli ang Lady Tigresses nang ipalasap nila ang mabibigat na hampas at palo na nagpahirap sa No.1 floor defensive team na UST na depensahan.

Bukod tanging si Eya Laure ang rumehistro ng double-digit scoring para sa UST Lady Tigresses sa 19 points (17 attacks, 1 block, 1 ace) na lumapag sa 3-2 kartada katabla ang Adamson Lady Falcons na nakuha ang kanilang ika-3rd sunod na panalo. (Gerard Arce)

Leave A Reply

Your email address will not be published.