Una sa Balita

Beilein bagong coach ng Cavs

0 335

Tapos na ang halalan mga Ka-Abante, may mga nanalo na. Nabilang na ang boto ng bawat Pilipino. May mga nasiyahan at mayroon din namang mga nagrereklamo.

Iba’t iba talaga ang panlasa ng mga Pinoy, magkakaiba ang paniniwala at prinsipyo pero tandaan natin mga Ka-Abante, tayo ay iisa.

Pero teka lang, hindi lang ang resulta ng halalan ang inaabangan ng lahat.

Nariyan ang do or die Game 7 ng Magnolia Hotshots at San Miguel Beermen na kasalukuyang nagbabakbakan kahapon habang isinusulat ko ang kolum na ito.

Naging mahaba ang series na ito na akala ng marami ay mabilisan lang na wawalisin ng Beermen ang Hotshots tulad ng kanilang unang harapan.

Pero tila nasarapan ang Beermen sa kanilang laro kontra Hotshots at muntik pa ngang masulot ito mula sa mga bata ni Coach Leo Austria.

Kung titignan natin mga Ka-Abante, mas naunang makuha ng Hotshots ang tatlong panalo kaya naman ang fans ng Beermen ay kinabahan nitong nakaraang Game 6.

Mahusay ang opensa na ipinakita ng Hotshots kaya hirap din ang Beermen sa bawat game, ilan pa sa mga shooter nila ang nakaranas ng off night, samahan mo pa ng isang Avenger na bigla-biglang susulpot sa court tapos ay nabunggo pa ng hindi sinasadya ang ‘Thanos’ ng PBA na si June Mar Fajardo.

Lahat naman ng ito ay tapos na, paglabas ng kolum ko ngayong araw ay may kampeon na. Abangan na lang natin kung bagong team ba ang naghari sa Philippine Cup o hindi pa rin natitinag ang Beermen Dynasty?

Punta naman tayo sa NBA, may bago nang head coach ang Cleveland Cavaliers, si dating University of Michigan coach John Beilein.

Sa loob ng 12 seasons na pagiging coach ng University of Michigan, si Beilin ay ang winningest coach.

Madala kaya niya ito sa kanyang NBA team? Maibalik niya kaya sa Finals ang Cavs? Tignan natin kung dadagain si Beilein o siya ang magbibigay ng kaba?

Habang sa Lakers naman ay pumirma na ng multi-year contract si Frank Vogel bilang head coach. Makakabawi kaya ang Lakers sa pagpasok niya o bagong amuyan at kapaan na naman ito?

Usapang NBA pa rin mga Ka-Abante, may pagkakataong muling madepensahan ng Golden State Warriors ang kanilang titulo, mahihirapan ang Portland Trail Blazers na agawin ang korona sa Western Conference Finals.

Kasalukuyang 1-0 na ang serye nila matapos magwagi kahapon sa Game 1 ang Warriors 116-94.

Beterano na sa ganitong senaryo ang Warriors kaya baka maging mabilis lang ang series na ito. Kasing bilis ng Splash Brothers na sina Stephen Curry at Klay Thompson.

Pero ang biological brother ni Steph Curry na si Seth Curry ang paniguradong magbabantayan sa buong series na ito, at ang pressure ay malamang nasa pamilya nila kung paano ba at kanino sila sisigaw at papalakpak. He he.

Muli, patuloy po ninyong suportahan ang aming show ni Bes Ramil, ang Sportalakan, Martes, 6pm. Salamat po! God bless!

Maraming salamat rin po sa mga nakasama ko sa Walang Atrasan Eleksyon 2019.

Boss Sarah Rivere, Sir Edil Guanzon, Kuya Sherwin Apostol, salamat mga Ka-Tabloidista! #TeamStudio #TeamSiopaoAtSiomai

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy