Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Beep-beep vs beep card!

0 337

Lahat ng sasakyan, kapag tumatakbo sa mataong lugar, ay bumubusina upang makaiwas sa disgrasya.

Beep-beep ang hudyat na may paparating na sasakyan, at ang ingay na iyon ang magsisilbing babala at magbibigay ng pagkakataon sa mga taong maghanda, tumakbo o tumabi upang hindi sila masagasaan.

Sa kasamaang palad, marami ang nasagasaan ng “beep card” na pilit pinabili at pinabayaran ng P80 sa mga mananakay ng bus sa EDSA. Para sa card pa lang iyon at hindi pa kasama ang ikakargang pamasahe.

Upang ma-promote ang cashless transaction at maiwasan ang pasahan ng pera sa mga kamay, minabuti ng pamahalaan na ipatupad ang beep card sa gumagamit ng EDSA busway bilang pag-iingat na rin sa COVID-19.

Maganda ang layunin subalit bukod sa tila kinapos sila ng panahon upang bigyan ng abiso ang lahat ng mananakay, hindi rin nila naisaalang-alang na para sa mga trabahador na nawalan ng trabaho o nabawasan ang kinikita dahil sa pandemya, mabigat ang P80 para lamang magkaroon ng beep card.

Idagdag pa sa P80 ang load ng beep card na magsisilbing pamasahe nila.

At dahil marami ang umalma, nagisa tuloy ang Department of Transportation sa Senate hearing at napilitang magbigay ng pahayag na papakialaman nila ang usapin at ititigil ang pagpapatupad nito.

Nitong Lunes ay nagpreno ang pamahalaan sa pagpapatupad ng beep card. Nag anunsyo naman ang AF Payments Inc., ang service provider ng beep card, na magpapamigay sila ng 125,000 libreng beep cards sa mahihirap na pasahero.

Ang hindi malinaw ay kung ano ang plano ng AF Payments sa mga pasaherong nauna nang nagbayad ng P80 para magkaroon lang ng beep card at makasakay sa bus. Sabi ng tagapagsalita ng kumpanya, hindi raw napag-usapan ang tungkol doon.

Ang pinakamagandang salitang aabangan at gusto nating marinig sa kanila ay ibabalik nila ang P80 sa mga nagbayad na publiko. Maaaring cash o ibalik ang katumbas na halaga bilang load sa kanilang mga beep cards.

Kung naiba lang ang panahon noong sapilitan nilang ipatupad itong beep card, kung walang pandemya, maganda ang takbo ng ekonomiya at hanapbuhay ng mga Pilipino, wala sanang naging problema kahit pa naningil sila ng P80.

Subalit kung pigang-piga na ang mga tao dahil sa halos 7 buwang quarantine, nawalan sila ng trabaho o nabawasan ang kanilang kinikita, bawat pisong kukunin sa kanila ay may katumbas na aray. Dahil nakakabawas iyon sa pambili nila ng pagkain at panggastos upang makadiskarte ng kanilang pagkakakitaan.

Maraming paraan upang solusyunan ang problemang kinakaharap ng mga mamamayan. Lalo pa nga’t may mga nauna nang katulad na sitwasyon.

Halimbawa, ang RFID na ginagamit ng mga may sasakyan para sa cashless transaction sa pagdaan sa NLEX at SLEX. Katulad rin iyan ng beep card. Ang kaibahan lang ay naipamahagi iyan sa mga sasakyan ng walang bayad.

Kung nagawa iyan na walang kaakibat na gastos para sa mga may-ari ng sasakyan, bakit hindi nagawa sa mga pasaheros sa EDSA busway?

Kung may listahan ng mga sektor na dapat suportahan o bigyan ng ayuda ng pamahalaan, itong mga kababayan nating oras ang binibilang para lang makabiyahe sa patutunguhan sa gitna ng kakulangan ng pampublikong transportasyon ang higit na dapat tulungan.

Sa paggawa ng mga polisiyang makakaapekto sa maraming tao, ang bigat ng argumento ay marapat na pabor sa ikagiginhawa ng buhay ng mahihirap at nahihirapang mamamayan.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.