Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bebot binoga sa dibdib, kritikal

0 101

Kritikal ang isang 34-anyos na dalaga matapos itong malapitang barilin sa dibdib ng isang negosyante sa gitna ng kanilang pag-uusap sa Malabon City kahapon ng umaga.

Inoobserbahan pa sa intensive care unit ng Manila Central University (MCU) Hospital si Maria Angela Prado, ng Kalayaan First Rainbow, Makati City dahil sa tama ng bala ng 9mm pistol sa kaliwang dibdib na tinamo nito mula sa suspek na si Vonrich Vina, 45-anyos, may-ari ng Rose Wood Funeral Homes at residente ng No. 77 Naval St., Brgy. Flores, Malabon City.

Ayon sa ulat ng pulisya, nag-uusap ang dalawa sa labas ng bahay ng suspek nang bigla na lang umanong bunutin ng suspek ang kanyang baril at pinaputukan sa dibdib ang biktima bandang alas-kuwatro ng umaga.

Pinagtulungan ng mga residente na dalhin sa ospital ang biktima habang agad namang nadakip ng mga operatiba ng substation 7 ang suspek.

Tikom pa rin umano ang bibig nito sa dahilan ng pagbaril niya sa biktima. (Orly Barcala)

Leave A Reply

Your email address will not be published.