Una sa Balita

Beacon Street nanagasa sa PHILRACOM-RBHS race

0 269

NAGPASIKLAB si Beacon Street Linggo ng hapon matapos sikwatin ang panalo sa PHILRACOM-RBHS race na nilaraga sa pangatlong karera sa Metro Turf sa Malvar-Tanauan City, Batangas.

Binaybay ng top favorite Beacon Street ang balya, sa largahan pa lang ay puwesto na ito.

Namayagpag muna si Honeywersmypants sa unahan bago siya nilapitan ni Cinderella Kid sa kalagitnaan ng karera.

Sa far turn, kita si Beacon Street na ma­lakas ang remate sa balya.

“Sigawan na kami at kalampagan nang makita namin bandang far turn na malakas ang usad ni Beacon Street,” kuwento ni Gary Villar, karerista.

Pagdating ng hu­ling kurba ay nagkapanaba­yan ang apat na nag-aagawan sa unahan at sa huling 150 metro ng karera ay nakaungos na si Beacon Street.

Nirehistro ni Beacon Street ang 1:24.8 minutong tiyempo sa 1,400-meter race, sapat upang manalo ng isa’t kalahating kabayo sa second placer na si Clear Talk, tersero si Cinderella Kid.

“Hindi talaga kami sumabay sa unahan kasi may kabigatan ang karga namin (57 kgs.) kaya abang lang kami sa likuran habang nag­lulutsahan ‘yung mga matutulin sa largahan,” pahayag ni class A rider MM Gonzales, hinete ng winning horse.

Tumanggap naman ang may-ari ni Beacon Street na si PA Carpio ng karagdagang P20,000 premyo. (Elech Dawa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy