Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

BBM sisingilin sa utang ng BIR

0 331

Hihilingin umano ni incoming Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Lilia Guillermo kay President-elect Ferdinand Marcos Jr. na maging role model ito sa pagbabayad ng buwis.

Sa isang panayam sa telebisyon, tinanong si Guillermo sa umano’y buwis na hindi nabayaran kaugnay ng mga naiwang ari-arian ni dating Pangu­long Ferdinand Marcos Sr.

“Alam mo sasabihin ko lang sa kanya kung saka-sakali talagang I have to collect or BIR has to collect sasabihin ko sa kanya this amount, and this amount hindi po naman talaga kayo magbabayad, it’s the estate. Puwede ho ba maging role model kayo…. ‘The Marcoses will now pay their taxes because nag-comply sa batas’,” sabi ni Guillermo.

Pero bago ito, sinabi ni Guillermo na dapat ay makakuha muna siya ng dokumento upang malaman kung ano ang nasa desisyon ng korte para ito ay maipaliwanag niya at ni incoming Finance Secretary Benjamin Diokno kay Marcos Jr.

Sinabi ni Guillermo na nakausap na nito si outgoing BIR Commissioner Caesar Dulay upang hingin ang mga dokumento kaugnay ng mga iniwang ari-arian ni Marcos Sr.

Binigyan-diin ni Guillermo ang kahalagahan na malaman kung ano-ano sa mga ari-arian ang naibenta na ng gobyerno at kung mayroon pang kakulangan sa pinababayarang buwis.

“We have to convert those properties to cash para madagdag sa tax collections ng BIR. Give me the time to go over the documents. How much are we talking about? Hindi ko alam kung talagang P200 billion ‘yan, and maybe if that’s really the amount, imagine it will help really in the collections of BIR,” paliwanag ni Guillermo.

Nauna ng sinabi ng BIR na nagpadala ito ng demand letter sa pamilya Marcos upang singilin ang hindi nabayarang buwis sa mga ari-ariang iniwan ng dating pangulo. (Billy Begas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.