Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

BBM hinamon na ibangon ang PhilHealth

0 104

Kinalampag ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) ang papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. para ireporma ang sistema ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa Laging Handa public briefing kahapon, sinabi ni PHAPI president Dr. Jose Rene de Grano na sana hindi na maulit ang naging karanasan nila na problema sa kanilang PhilHealth claims.

Sa ganitong paraan aniya ay hindi magkakaproblema sa operasyon ng mga pribadong ospital na nakadepende lamang sa mga reimbursement at claims sa PhilHealth.

“Doon po sa naging karanasan namin noong nakaraang taon at ilang taon na sa PhilHealth ay iyon ang dapat na pagtuunan ng pansin ng bagong administrasyon na sana ay hindi magkaroon ng problema sa ating claims,” ani De Grano.

“Kung maaayos po natin ang organisasyon ng PhilHealth, kahit siguro government hospitals palagay ko ay maganda ang ating healthcare system at magiging maganda para sa susunod na anim na taon,” dagdag ni De Grano.

Sa ngayon aniya maayos naman ang relasyon ng PHAPI sa PhilHealth subalit hindi pa bayad lahat ng claims ng kanilang mga miyembro at hindi pa nakukumpleto ng ahensiya ang atraso sa mga pribadong ospital. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.