Una sa Balita

Bayanihan sa ‘Strikers’

By
0 67

Sino ba ang mag-aakala na magbubunga ang isang eksperimento ng napaka­gandang resulta? Ito ang kuwento ng Bacoor City Strikers.

Kahit matagal na ngang binalak ng Bacoor na bumuo ng isang basketball team para itaguyod ang bandila ng lungsod sa mga torneo at paligsahan, matagal din itong nanatiling ba­lak. Hanggang nitong Mayo ng 2018 nang masungkit ng Bacoor ang kahuli-hulihang expansion franchise ng MPBL.

Tatlong linggo lang bago ng opening ng 2018 season ng MPBL nag-umpisang buuin ang ‘Strikers’ at isang linggo lang halos bago magbukas ang liga nang lubos na mabuo ang team. Ang intensyon natin na i-explore lang muna ang posibilidad na sumali, biglang nandiyan na.

Matagal na tayong fan ng larong basketball – mula sa LA Lakers nina Magic Johnson at Kareem Abdul Jabbar; hanggang sa Chicago Bulls nina Michael Jordan, Scottie Pippen, na sinamahan pa nina Toni Kukoc at Dennis Rodman; hanggang sa panahon ngang ito ng Golden State Warriors nina Stephen Curry, Klay Thompson, Draymond Green at Kevin Durant. Matagal na rin tayong naglalaro nito mula high school at college. Gayunpaman, ngayon lang tayo nagkaroon ng pagkakataon na bumuo at magpatakbo ng isang koponan, neophyte ‘ika nga sa larangang ito.

At hindi pala ito biro. Sa pagitan ng 10 mil­yong franchise fee at halos isang milyong pisong pasahod buwan-buwan para sa walong buwan, kailangan talaga ang bakas-bakas para masigurong maitawid nang maayos ang koponan.

Kaya naman napakalaking karangalan na makita na ang eksperimentong Bacoor Stri­kers ngayon, sa kabila ng kakulangan sa logistics at pondo, ay nagiging contender sa MPBL. Sa tulong-tulong ng mga Bacoorenyo at ng ating mga kaibigang sumusuporta sa sports, pinagmumulan ngayon ang Strikers ng City Pride at nagsisilbing rallying point ng mga Bacoorenyo.

Dahil ‘yan unang-una sa suporta ng bawat fan na walang sawang sumisigaw tuwing laro; sa mga player na ibinubuhos ang kanilang buong galing at tapang tuwing tutuntong sa court; sa mga benefactor, sponsor at contributors ng team; sa mga bara­ngay captain at opisyal, mga SK chairman at officers, sa City Council at sa City Government ng Bacoor na binubuo ng mga empleyado sa pangunguna ni Mayora Lani Mercado-Revilla na nagpapagamit sa Strike Gym bilang ta­hanan ng Strikers.

Ang Bacoor Strikers ay isang magandang halimbawa ng bayanihan – ang pagbubuklod-buklod tungo sa iisang layunin. Malayo na nga ang narating ng koponan mula sa pagkakabuo nito, at sa totoo lang, makapasok lang sa second round, parang champion na rin tayo.

Sa standing na 4-3, mukha namang makakamit natin ang adhikaing ito.

Sabi nga natin, Win or Lose, Strikers keep striking back!