Una sa Balita

Bayanihan sa panahon ng kalamidad

0 356

Libo-libong pamil­ya ang kasalukuyang apektado sa pagsabog ng Bulkang Taal. Maraming bahay, ari-arian at kabuhayan ang nasalanta habang nagtitiis sa evacuation centers ang napakarami nating mga kababayan.

Hindi man naging maganda ang epekto ng kalamidad sa kabuhayan ng mga nasalanta, hinugot naman nito ang bayanihan spirit ng mga Pilipino. May mga kabataang nagbibigay ng libreng face masks sa mga apektado ng ashfall. May mag-asawang napabalitang nagbubuhos ng tubig sa mga windshield ng mga sasakyang lumilikas noong kasagsagan ng pagsabog ng bulkan upang hindi sila madisgrasya. May karinderia na nagluluto ng libreng pagkain para sa mga evacuees. May mga taga-Cordillera na namigay ng mga gulay para sa mga nanga­ngailangan sa Batangas at Cavite.

Nagtutulong-tulong ang iba’t ibang organisasyon para maiabot ang ayuda sa ating mga kababayang apektado sa pagsabog ng bulkan.

May mga isyu man ng pananamantala sa presyo ng N95 face masks, na nagpapa­salamat ako sa mabilis na pag-aksyon ng Department of Trade and Industry, may mga positibo rin namang nangyayari. Si Juan at Juana ay mabilis na nagtutulungan para sa ating mga kababayan.

Napakarami na ang tumutulong subalit mas marami pa rin ang na­ngangailangan. Patuloy na ayuda para sa ating mga kababayang nasalanta ang nararapat, at nananawagan ako sa patuloy na pagmobilisa upang matugunan ang kanilang mga panga­ngailangan. Walang dapat maiwan. Lahat ay dapat maabot at mabigyan ng tulong.

Dahil dito, ang Akbayanihan Foundation ay patuloy na nana­nawagan para sa mga donasyon at mga vo­lunteer para sa pamamahagi ng mga relief goods sa mga apektadong lugar.

Ang mga prayoridad na kailangan para sa relief operations ay ang bottled water, face masks, banig, blankets, tuwalya, hygiene kits tulad ng toothbrush, toothpaste, sabon, sanitary napkins at diapers. Kailangan din ng de-lata at ready to eat na pagkain, at mga gamot.

Sa mga gustong mag-donate at mag-volunteer, makipag-ugnayan lamang sa 33-G Mabait Street, Teachers’ Village, Quezon City na may telepono bilang 7905-8646 at 0917-940-0417 (hanapin si Ivy Tolentino). Puwede ring pumunta sa 29-B Magiting Street, Tea­chers’ Village, Quezon City. Kontakin si RJ Naguit sa 0916-582-7931.

Sa mga taga-Maynila o mas malapit dito, pwedeng makipag-ugnayan kay Anthony Jacob sa 0917-1205618. Pwedeng ibigay ang mga donasyon sa Unit 404, Dela Rosa Building, Lacson Avenue, Sampaloc, Manila.

Katulad ng mga nagdaang kalamidad, patuloy tayong maglilingkod at magbibi­gay ng ayuda sa gana nang ating makakaya sa ating mga kababa­yang nangangailangan. Ngayon higit kailanman ay kailangan ng ating mga kababayan ang tulong at pagbibigay ng pag-asa upang sila ay makabangon muli. Sa sunod-sunod na kalamidad na naranasan ng ating bansa, sama-sama tayong magbigay ng tulong. Sama-sama tayong babangon muli.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More