Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bayanihan extension

0 483

Noong nakaraang linggo, inaprubahan po ng Senado ang panukalang “Bayanihan to Recover As One Bill” o “Bayanihan 2” kung saan naglagay ang Kongreso ng 140-bilyong pisong stand by fund para sa patuloy na paglaban sa pandemya.

Makakatulong po ang ponding ito para tugunan ang patuloy na banta ng COVID-19 lalo na sa sektor ng edukasyon at paggawa.

Sinuportahan po natin ang nasabing panukala bagamat batid natin na kulang na kulang po ang 140-bilyong pondo para maka-recover ang ating ekonomiya at matulungan ang ating mga frontliner.

Layunin po nating maitawid ang bawat Pilipino sa ‘finish line’ na ligtas sa sakit, may trabaho at ‘yung mga mag-aaral natin ay hindi mangangamote dahil hindi makasabay sa pag-aaral under the “new normal”.

Palagi ko pong sinasabi na kung gusto po natin ng recovery, hindi pwedeng “ambu bag” lang ang meron tayo, dapat “mechanical ventilator”. Kailangan po na talagang buhusan ng pondo at ayuda ang mga pinaka-apektadong sektor sa ating lipunan.

Nagpapasalamat po tayo dahil dininig ng ating mga kasamahan sa Senado ang mga ipinanukala nating mga amyenda sa Bayanihan 2.

Isinulong po natin ang 15-bilyong pisong cash-for-work program at 17-bilyong pisong unemployment o involuntary separation assistance para sa ating mga manggagawa lalo na po ang mga freelancer, OFW, part-time faculty member, at iba pa.

Samakatuwid, sa 140-bilyong pondo para sa Bayanihan extention, 32-bilyon ang mapupunta sa DOLE.

Isinulong din po natin ang AKAP para sa mga OFW sa listahan ng mga programa na dapat gawing prayoridad sa mga realigned fund. Nababahala po tayo na aabot sa 500,000 mga OFW ang nag-apply sa AKAP subalit ang budget ay para lamang sa 250,000 na mga benepisyaryo.

Hindi naman po puwede na una-unahan na lang ang ating mga OFW dahil kalahati lang ang mabibigyan. Paano naman po ang kalahati?

Isa pa rin po sa amyenda natin ang dagdag na 3-bilyong pisong ayuda para sa mga State Universities and Colleges (SUCs) para sa mga investment sa ICT infrastructure at pagbili ng mga kasangkapan para magpatupad ng mga flexible learning modality.

Kaugnay nito, naglagay din ang Senado sa Bayanihan extension ng 1-bilyong assistance sa TESDA para sa training ng mga displaced worker kasama ang mga returning OFW.

Nakasaad din po sa ipinasang panulakang batas ang mga loan facility para sa mga education institution para sa pagbili ng mga gadget at kinakailangang mga equipment para sa mga estudyante at faculty member para matulungan silang mag-shift sa flexible learning.

Kung mabigat po sa dibdib na malamang may mga kababayan tayong namamatay dahil sa COVID-19, nakakadurog din po ng puso ang malamang may mga eskwelahang nagsasara dahil sa epekto ng pandemya.

Kapag po TRABAHO at EDUKASYON na ang naging biktima ng pandemya, hindi lang po mahihirapang huminga ang ating ekonomiya, baka maghingalo rin ang pangarap at pag-asang kinakapitan ng ating mga kababayan. Ipagpatuloy po natin ang bayanihan para hindi tayo umabot sa sitwasyong ito.

senatorjoelvillanueva@yahoo.com

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.