Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Bayanihan bakunahan

0 79

All systems go na ang National Task Force Against Covid-19 para sa tatlong araw na national vaccination drive “Bayanihan, Bakunahan National Vaccination Day” na itinakda sa November 29, 30 at December 1, 2021.

Target po ng gobyerno na mabakunahan ang 15 milyong Pilipino sa buong bansa sa loob ng tatlong araw para mas maraming mamamayan ang mabigyan ng proteksyon laban sa Covid-19 at maabot ang target na 50 hanggang 70 milyong Pilipinong mabakunahan sa katapusan ng taon.

Ang pagpapaigting sa vaccination rollout ng gobyerno ay upang maabot ang population protection laban sa Covid-19 sa lalong madaling panahon upang muling magawa ng mamamayan ang mga dating nakagawian bago dumating ang pandemya.

Sa ngayon po ay abala na si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez para sa ilalargang tatlong araw na Bayanihan, Bakunahan at puspusan ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, kasama na rito ang local government units at pribadong sektor para sama-samang matupad ang mithiing 15-milyong Pilipinong mabibigyan ng proteksiyon laban sa bagsik ng Covid-19.

Bukod sa pagpapaigting ng impormasyon hinggil sa gagawing tatlong araw na National Vaccination Day, personal ding nanawagan ang mga opisyal ng National Task Force, Department of Health (DOH), Department of Interior and Local Government (DILG) at mga grupong kabalikat ng gobyerno sa pribadong sektor para makarating ang aktibidad na ito sa iba’t ibang lungsod, probinsiya o mga isla sa buong bansa.

Bahagi ng tatlong araw na bakunahan ang Bonifacio Day (November 30), bilang paggunita sa kapanganakan ng isa sa mga dakilang bayaning Pilipino na si Gat Andres Bonifacio at ituturing ng gobyerno na bayani ang mga magpapabakuna sa itinakdang tatlong araw dahil magiging bayani ang mga ito sa kanilang pamilya at sa kanilang komunidad.

Bawat Pilipinong lalahok sa national vaccination day ay magliligtas ng buhay dahil mawawala na ang banta na posibleng makapanghawa ito ng iba kapag mayroon ng proteksiyon laban sa mabagsik na virus.

Inihalintulad po ni Secretary Galvez sa pagdaraos ng eleksiyon ang gagawing national vaccination day dahil gagamitin ang mga eskuwelahan bilang vaccination sites at pupuntahan na lamang ng mamamayan.

Lahat ng healthworkers na libre ang panahon sa tatlong araw na aktibidad ay gagamitin bilang vaccinators at mangangailangan ng 160,000 volunteers para tumulong bilang health screeners, post-vaccination monitoring personnel, health educators, registration personnel, data consolidators at encoders.

Ayon po sa DOH, kailangan nila ang 30,000 vaccination teams para maging matagumpay ang national vaccination day, at bawat team ay may lima hanggang anim katao na komposisyon.

Para sa mga gustong mag-volunteer sa private sector, kinakailangan bakunado ang mga ito at makipag-ugnayan lamang sa LGU para sa intensiyong tumulong sa tatlong araw na aktibidad.

At para masigurong marami ang makikilahok sa tatlong araw na “Bayanihan, Bakunahan”, idedeklara ng Malacañang ang November 29 at December 1 bilang special working days bilang suporta sa gagawing aktibidad.

Mahaba-habang panahon na rin ang sakripisyo ng mga Pilipino dahil sa epekto ng pandemya at ngayong mayroon nang sapat na supply ng bakuna ang gobyerno, dapat samantalahin ito ng publiko para makasiguro ng kaligtasan laban sa Covid-19.

Dahil mataas na po ang bilang ng mga nabakunahan sa Metro Manila at sa ilang bahagi ng bansa, umaasa ang maraming Pilipino na sana ay masaya ang magiging Pasko ngayong taon at magawa ang mga tradisyong Pinoy na hindi nagawa noong nakalipas na taon dahil sa pandemya.

Matutupad po ito kung makipagtulungan ang mamamayan at makilahok sa tatlong araw na national vaccination day sa susunod na linggo.

Gawin po nating regalo ngayong pasko para sa ating mga mahal sa buhay, pamilya, mga kaibigan at sa ating komunidad ang pagpapabakuna para makakasiguro ng masayang pasko ng walang inaalalalang baka madapuan o mahawa ang mga ito ng Covid-19.

Masarap ipagdiwang ang masaya at ligtas na kapaskuhan kung tutugon po tayo sa panawagan at paalala ng ating gobyerno lalo na ngayong bumababa na ang kaso ng kontaminasyon.

Magiging malaking pabor din sa ating health workers kung kakaunti na lamang ang kanilang aalagaan at gagamutin sa mga susunod na araw kapag magpabakuna ang mga hindi pa nakatanggap ng Covid vaccine.

Maiibsan po ang kanilang sakripisyo at gagaan ang kanilang pakiramdam kapag wala ng mahawa ng Covid -19 pagkatapos ng tatlong araw na malawakang pagbabakuna.

Markahan na po natin ang ating kalendaryo sa November 29, 30 at December 1 at makilahok po tayo sa Bayanihan, Bakunahan para sa mas ligtas na pamayanan at mas ligtas na bansa laban sa Covid-19.

Lahat po ay umaasa ng mas magandang pagpasok ng 2022 kaya iwanan na natin ngayong 2021 ang mga dinanas na pagsubok, dusa at hirap dulot ng epekto ng Covid -19 at magpabakuna po tayong lahat para matupad po ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.