Una sa Balita

Bayan Muna pumalag sa ‘Villarization’ ng tubig Water supply huwag ibigay sa ‘Oligarko’

0 678

KINASTIGO ng Bayan Muna Party-list ang binansagan nilang ‘Villarization’ ng 63 local water district na nasa kontrol ngayon Prime Water Corporation ng bilyonaryong negosyanteng si Manny Villar.

Ayon kay Bayan Muna Party-list Rep. Ferdinand Gaite, mas mainam na ibalik na lamang sa kamay ng gobyerno ang serbisyo ng tubig sa halip na ipasa na naman ito sa isang oligarko.

Binanggit ito ni Gaite matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo na mas mainam na ang kompanya na lamang ni Villar ang mag-takeover sa supply ng tubig sa Metro Manila kaysa panatilihin ito sa dalawang concessionaire ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS)

“Nationalization of water services ang solusyon dito, hindi transfer of control to his crony, not ‘Villarization’,” giit ni Gaite.

Sa 100 water district sa bansa, 63 ang pinasok ng kompanya ni Villar at may kinasang 25-year Joint Venture Agreement (JVA) sa kanila.

“Nagrereklamo ang Pangulo sa palpak pero mahal na serbisyo, pero ang solusyon niya ay ibigay din sa isa pang pipiga nang sobra-sobrang tubo at, ayon sa mga ulat, palpak din,” saad ni Gaite.

Hindi umano dapat ipagkatiwala ng Pangulo sa kompanya ni Villar ang water supply sa Metro Manila dahil na rin sa reklamo ng mga kostumer ng Prime Water sa ilang water district sa bansa.

Sa San Pablo City, Laguna aniya, halos triple sa presyong P1,200 na binabayaran ng mga kustomer dito mula sa dating P400 sa unang 10 cubic meter ng tubig kada buwan.

Hawak din ng Prime Water ang water district sa San Jose del Monte City, Bulacan kung saan tumaas ng 78% ang presyo ng tubig dito simula nang pumasok ang kompanya ni Villar.

Matatandaang naglabas ng nega­tibong komento ang Commission on Audit (COA) sa kalidad ng serbisyo ng Prime Water sa mga water district na kanilang hawak.

Naghain na ng resolusyon ang Bayan Muna upang mapaimbestigahan sa Committee on Government Enterprise and Privatization ang privatization ng mga water district sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Pinaalalahan din ng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino si Pangulong Duterte na huwag ibigay sa isang oligarko ang water concession ng Maynilad at Manila Water.

“We have already seen what billionaire ownership can do to a public utility. If Duterte is serious about fighting oligarchs, then he should not enable new ones, like what (ex-President Fidel) Ramos did. We say no to Prime Water takeover, diin ni BMP chairperson Leody de Guzman.

Binanggit ni De Guzman na notor­yoso ang Prime Water sa masamang serbisyo at contractual hiring lalo na sa Camarines Norte at Dasmariñas, Cavite.

Sinikap naman ng Abante na hi­ngan ng reaksyon ang kampo ni Villar subalit ayon sa tanggapan ni Senador Cynthia Villar, hindi sila magbibigay ng komento kapag may kinalaman ito sa kompanya. (JC Cahinhinan/Lorraine Gamo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy