Una sa Balita

Bawiin ang mga kalsada ng Metro Manila

0 371

“Reclaim all public roads that are being used by private entities!” ‘Yan ang matapang na utos ni Presidente Rodrigo Duterte sa nakaraan SONA sa MMDA at mga LGU, bilang tugon sa malalang lagay ng trapiko sa Metro Manila.

Sa pagtataya ng Japan International Coope­ration Agency, umaabot sa P3.5 billion kada araw ang nawawala sa ekonomiya dahil sa traffic congestion.

Inutusan din ni Presi­dente Duterte ang DILG Secretary Eduardo Año na suspendihin ang sinumang opisyal na hindi tatalima sa kanyang utos.

Sa mahabang panahon, mula pa kay Chairman Bayani Fernando, ilang beses nang ginagawa ng MMDA ang pag-aalis at pagbabaklas ng mga nakahambalang sa kalsada upang pabilisin ang daloy ng trapiko. Umabot na sa puntong tinawag na ‘anti-poor’ ang MMDA dahil karaniwang mga sidewalk vendor ang nasasaga­saan ng kanilang clearing ope­ration.

Ngunit kung gaano kabilis magbaklas ang MMDA, ganoon din kabilis ang pagbabalik ng mga obstruction, na kadalasan ay may basbas ng mga lokal na opis­yales.

Hindi lamang mga eskinita o maliliit na kalsada ang naglalaho at nagiging palengke. Noong linisin ni Mayor­ Isko Moreno ang Divisoria, marami ang namangha, isa na ako, na mayroon palang malawak na kalsada lugar na iyan.

Kahit noon pang 70’s kung saan bumili kami ng mga telang pangdamit sa Divisoria, wala akong nakitang kalsada sa lugar na iyan dahil puro mga paninda ang nakahambalang.

Naglipana rin sa mga side-street ang mga illegal structure na sagabal sa trapiko, tulad ng mga barberya, vulcanizing shop, repair shop at sari-sari store. May mga nakatayo ring mga basketball court at police at barangay outpost. Halos lahat pa ng mga kalsada ay ginagawang parking­ ng mga sasakyan. ­Meron pa tayong nakikita na binabakuran ang kalsada na parang private parking.

Dumami ang mga iyan dahil sa pagbubulag-bulagan ng mga lokal na opisyales. May mga pagkakataon na binibigyan pa ng permit (for a fee) ang mga iyan.

Ilan sa mga nakabangga na ng MMDA ang nagpapakita ng papeles na nagbabayad sila ng permit sa kanilang mga barangay para gamitin ang kalsada sa negosyo. May mga kaso rin na mismong barangay ang nagnenegosyo ng parking­ space.

Ang mga mayor ng bayan ang inaasahan na manguna sa pagpapatupad ng utos. Sila ang makakasiguro na ang mga barangay official ay kikilos para linisin ang mga kalsada.

Bago ang SONA, karaniwan na ang kawalang ng aksyon ng mga barangay kahit marami sa kanilang resi­dente ang nagrereklamo; ang ilan ay kinokunsinte pa ang mga illegal structure.

Nakasalalay sa mga barangay ang tagumpay ng kampanya para linisin ang mga kalsada at ayusin ang daloy ng trapiko sa Metro Manila. Pero dapat itong pa­ngunahan ng mga ma­yor. Kung may political will ang mga mayor, tulad ng ipinamamalas ni Isko ng Manila at Vico ng Pasig, mapapakilos nila ang mga barangay para gawin ang kanilang bahagi sa kampanya.

Binigyan ni DILG Sec Año ng 60 araw para kumilos ang mga local official, at muling bawiin ang mga public road na matagal nang binara­han ng mga illegal structure. Meron na lamang silang hanggang September 2019 para tumupad.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy