Una sa Balita

Bawat Pilipino ay sundalo para ang COVID-19 ay masugpo

0 520

Alam nating lahat kung gaano kalaki at kasama ang epek­to ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 sa buhay ng bawat tao sa buong mundo.

Sa mga oras na ito ay itinuturing nang “pandemic” o isang epidemya na kumalat sa halos lahat ng bansa sa mundo ang nasabing sakit.

Bilang tugon sa mala­king bantang ito sa ating kalusugan, nagpalabas ng kalatas ang gobyerno na naglalagay sa buong bansa sa “state of calamity” habang pinaiiral naman ang “enhanced community quarantine” para sa buong Luzon.

Sa ilalim ng “enhanced community quarantine”, tayo ay inaatasang sumunod sa pagsasagawa ng mga sumusunod na hakbang: Istriktong home quarantine; pagsuspinde sa public transportation lines; ang mga establishment lamang na bukas ay ang mga makukuhaan ng pagkain at iba pang pangangaila­ngang pangkalusugan, pati mga bangko; at mas malawakang pagronda ng mga unipormadong awtoridad upang masiguro na ang mga nasa labas lamang ay ang front liners pati na ang mga taong nagsasagawa ng “essential travel”.

Sa panahong ito, masusukat ang ating disiplina bilang mamamayan at isang bansa, pati na ang malasakit natin sa kapwa tao. Sa ating mga tao na rin mismo nakasalalay ang tagumpay ng ating pagsugpo sa nakamamatay na sakit na ito.

Buong puso akong nananawagan at umaapela sa lahat ng ating kababayan na sumunod sa mga atas ng ating gobyerno, ang lahat naman ng mga kautusang ito ay nakatuon upang masiguro ang kaligtasan ng lahat mula sa COVID-19.

Kasabay ng pagpapanatili ng kalinisan sa katawan, manatili na lamang tayo sa loob ng ating mga tahanan.

Ito ay isang epektibong hakbang upang ‘di mahawaan ng coronavirus. Ang “social distancing” o paglayo sa kapwa tao, mga pagtitipon at mga matataong lugar ay epek­tibong paraan para maiwasan ang sakit. Lahat ay maaaring may taglay ng virus kaya’t hindi na rin masama ang maging “extra careful” para hindi tayo mahawa sa anomang uri ng sakit, at lalong hindi tayo makapanghawa ng sakit.

Tulad ng aking naunang pahayag, “This is a global emergency so bawal ang pasaway. Hindi ito panahon para maging pilosopo, panahon ito para maging masunurin at matulungin sa ating gobyerno. We need to sacrifice in order to survive this pandemic”.

At iiwanan ko rin ang naging pahayag ng ating Pangulong Rodrigo Duterte: In this extraordinary war, we are all soldiers.

***

Habang lumilipas ang panahon, mas nagiging advanced ang lahat ng bansa, pero kasabay nito ay dumarami ang kinahaharap na hamon ng populasyon sa buong mundo at kabilang dito ang banta sa pagkakaroon ng malinis na inuming tubig.

Kaya naman napapanahon na talakayin at laging isa-isip natin ang mga hakbangin na mangangalaga sa mga pinagkukunan na tubig na iniinom natin sa araw-araw.

Ngayong ika-22 ng Marso, ang buong mundo ay makikiisa sa obserbasyon ng “World Water Day” na pina­ngungunahan ng United Nations.

Ang aktibidad para ngayong taon ay may temang “Water and Climate Change” kung saan binibigyang diin ang tunay na importansya ng tubig para sa lahat ng nilalang sa mundo.

Ayon nga sa UN, habang luma­laki ang populasyon ng mundo ay mas tumataas ang pangangailangan ng tubig na siyang na nakaaapekto sa kalikasan.

Kaugnay nito, ating binalangkas ang isang panukalang batas na siyang magtatatag ng Department of Water Resources Management na siyang magiging pangunahing abala sa pag-review, revision at integration ng lahat ng mga regulasyon at polisiya kaugnay ng konserbasyon at epektibong pangangasiwa ng ating mga water resources at supply.

Ang naturang kagawaran na rin ang gagawa ng sistema na siyang magpapaunlad ng “freshwater sources” at mga programa sa pagtitipid ng tubig.

Alam natin na ang tubig ay buhay, dapat lamang natin itong pa­ngalagaan at siguruhin na may malinis pang maiinom ang mga susunod na henerasyon. (Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More