Una sa Balita

Bawat araw

By ,
0 191

Sa agham, partikular sa earth science, araw ang pinagmumulan ng buhay. Well, hindi ang mismong buhay pero dahil sa kakayahan ng araw, ang init at liwanag na nagmumula dito, nagkakaroon ng mga chemical reaction na mahalaga para magkaroon at manatili ang buhay sa mundong ito.

Photosynthesis sa halaman halimbawa. Ito ang dahilan para lumago at mamunga ang halaman. At alam naman natin pagkain ang halaman, pagkaing nagbibigay-buhay.

Napatunayan na kapag nawala ang araw, o sa kaso halimbawa nang malipol ang mga dinosaur na nabuhay noong Mesozoic Era, mauubos ang buhay. Natakpan kasi ang araw noon dahil sa diumano’y pagsalpok ng isang asteroid sa mundo.

Ang nilikhang impact ng asteroid ay nagsaboy ng alabok sa alapaap. Sa kapal ng alabok, nagdilim kaya hindi nakapasok ang sinag at init ng araw. Nagtagal ang kadi­limang ito. Namatay ang halaman. Nasira ang food chain.

Nawala ang mga dinosaur noong mga animnapu’t anim na milyong taon na ang nakararaan.

Mahalaga sa atin ang maarawan. Nagpapaaraw tayo dahil sa natural na kakayahan ng araw na bigyan o magdulot ng vitamin D sa ating katawan sa pamamagitan ng synthesis.

Para sa inyong kaalaman, walang taglay na vitamin D ang araw. Kaya lang nitong paki­lusin ang ating katawan, synthesis nga, para lumikha ang ating katawan ng vitamin D na kailangan ng ating kalusugan.

Pumapangit ang ating balat kung hindi tayo naarawan, nagi­ging maputla. Samantala, kung masosobrahan ng pagpapaaraw, gaya ng kahit anong labis, masama.

Ang ganda lang ng salitang ‘araw’. Ang daming salitang nagbibigay ng ibang kahulugan basta madagdagan lamang ng panlapi o affix.

Arawan ang kita ng mga tsuper ng dyipni buhat sa natitira sa kani-kanilang boun­dary. Araw-araw ang trabaho nila.

Inaaraw-araw naman ang pang­huhuli sa kanilang iligal na terminal. Pa­ngarap ng mga tsuper na maiahon sa kahirapan ang kanilang pamilya balang-araw. At para sa mga nangongotong sa kanila, mensahe ng mga tsuper: may araw din sila.

Diyan pa lamang sa limang pangungusap sa sinundang talata, may limang magkakaibang kahulugan na ang salitang ‘araw’.

Gayunman, may isang silbi ang sali­tang-ugat na ‘araw’ na ipinagdiriwang ng karamihan kung hindi man ng lahat, ang kaa­rawan.

Kung paanong na­ging ‘kaarawan’ ang katumbas ng salitang ‘birthday’ sa Ingles ay sasaliksikin ko pa. Araw ng pagsilang kasi ang eksaktong salin ng ‘birthday’. Pero hindi natin sinasabi sa wikang Filipino ang ‘maligayang araw ng pagsilang!’ Mas ginagamit natin ang ‘maligayang kaarawan!’

Kaarawan. Dahil marahil sa kaa­rawan mo, maraming nagreregalo sa iyo? O dahil maraming bumabati? O hindi kaya, ito talaga ang araw mo? Maraming pagkain at inumin, may mga bisita, nagiging mabait sa iyo ang karamihan?

Hindi ko maipaliwanag nang husto ugnayan ng salita. Ang mahalaga, may isang epesyal na araw na ina­alala ang mga tao, na ayon sa isang sikat na awit, araw ng “isilang ka sa mundong ito, la­king tuwa ng magulang mo…’

At oo, kaarawan ko rin ngayon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy