Una sa Balita

Bawas VAT Bill, dagdag ginhawa sa kababaihan at pamilya

By
0 448

Malinaw pa sa sikat ng araw na ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ay nagdudulot ng dagdag na dagok sa mga malalaking pamilya at sa mga tao na kumikita ng mas mababa sa minimum wage.

Base sa aking pagsusuri, tinatayang 1.7 million na tinatawag na ‘near poor wage ear­ners’ ang mas lalo pang maghihirap. Ang pantawid na tulong pinansiyal ng TRAIN para maibsan ang epekto nito sa mga mahihirap ay hindi sapat. Dapat nating isaalang-a­lang na karamihan sa mga mahihirap ay walang tinatawag na personal incomes. Sa isang banda, makakain din ng mataas na bilihin ang dagdag na pera dulot ng mas mababang personal income tax ng TRAIN.

Upang maitama ang pagkakamaling ito, naghain ako ng panukala sa Senado nitong Martes. Ito ang Senate Bill No. 1671 o ang tinatawag nating ‘Bawas VAT (Value Added Tax) Bill’. Dahil sa hirap na dinaranas at daranasin pa ng mga karaniwang pamilya bunsod ng rumaragasang TRAIN Law, mas mainam na ibaba ang VAT mula sa kasalukuyang 12 percent papunta sa 10 percent.

Ang hakbang na ito ay naglalayon na bigyan ng ayuda ang mahihirap nating mga kababayan na tila nalulunod na sa epekto ng TRAIN Law. Sila ang higit na nakakaramdam ng paghagupit ng TRAIN dahil wala naman silang dagdag-kita, mataas pa ang presyo ng mga bilihin para sa pamilya.

Ang Bawas VAT Bill ay nagnanais rin na ipantay ang sistema ng pagbubuwis sa Pilipinas katulad ng mga VAT sa mga karatig-bansa nito sa ASEAN region. Laman ng panukalang batas na ito na kapag naabot ng bansa ang 4.5% Gross Domestic Product (GDP) mula sa VAT, magkakaroon ng oportunidad ang bansa na ibaba pa hanggang 8% ito upang maging mas kapantay nito ang karaniwang 8% VAT ng mga kapitbahay nating mga bansa sa Asya. Ihalimbawa natin ang bansang Thailand na dahil sa kanilang 7% VAT, nagbibigay ito sa kanilang mamamayan ng mas malakas na kapangyarihang bumili.
Sa palagay ko ay panahon na upang palakasin ang kapangyarihang bumili ng mga mamamayan. Panahon na upang putulin ang pagkakatali ng taumbayan sa mapanupil na sistema ng pagbubuwis sa bansa.

Noong pinagbobotohan pa lang ang TRAIN sa Senado ay tinutulan ko na ito kaagad dahil sa alam kong magiging epekto nito sa ating mahihirap na pamilya. Kapag naipasa ang Bawas VAT Bill ay ibababa agad ang VAT sa 10% epektibo Enero 1, 2019. At sa Enero 1, 2022, ibaba ulit ang VAT sa 8% kapag naabot na ng bansa ang 4.5% GDP.

Ang Bawas VAT Bill ay para sa ating mga pamil­ya. Makakaasa kayo na isusulong at babantayan ko ang pag-usad ng panukalang ito sa Senado.

***

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pang­kababaihan kay Se­nator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com