Una sa Balita

Bawas presyo sa gamot sa hypertension, diabetes at cholesterol nagsimula na

0 679

Sa dami ng preparasyong ginawa bago sumapit ang Pasko at Bagong Taon, mga reunion na dinaluhan, bakasyon ng buong pamilya sa ibang lugar at pagbisita sa mga kamag-anak, marami siguro ang hindi nakatunog sa balitang simula Enero 1 ng taong kasalukuyan ay ipinapatupad na ang pagtanggal ng value added tax (VAT) sa mga gamot na iniinom natin para sa hypertension o high blood, diabetes at mataas na cholesterol.

 Hypertension, diabetes at cholesterol – ang tatlong karaniwang sakit nating mga Pinoy na nangangailangan ng maintenance medicine upang makontrol at maiwasang lumala.

 Dahil dito, mapapansin ninyo ang pagbaba ng presyo sa mga nasabing maintenance medicine, kumpara sa huli ninyong pagbili noong 2018.

 Noong tinatalakay at pinagdedebatehan namin sa Senado hanggang sa Bicam ang ngayon ay tinatawag na TRAIN Law, tayo ang nagmungkahi ng ideya at amendment doon na tanggalan ng VAT ang lahat ng gamot na binibili ng mga Pilipino, maging ito ay may reseta o wala. Nilahat ko na ang hinihinging exemption sa mga gamot dahil mas madaling ipatupad ito kesa lalagyan mo pa ng kategoryang pres­cription at non-pres­cription, therapeutic at non-therapeutic.

 Sa tantsa ng Department of Finance, P7.2 bilyon ang mawawala sa koleksyon ng gobyerno sakaling masunod ang gusto kong pag-exempt sa lahat ng gamot. At dahil nga itinutulak ng Duterte administration ang TRAIN bill upang makalikom ng perang panggastos sa Build Build Build projects ng pamahalaan, taliwas sa nais nilang mangyari ang magiging resulta ng tinawag na “Recto amendment” para sa murang gamot.

 Subalit pinaliwanag ko sa kanila na kung ang edukasyon at healthcare ay walang VAT, marapat lamang na wala rin ang mga gamot. Kung exempted sa buwis ang mga libro, tama rin lang na exempted sa buwis ang mga gamot na malaking bahagi ang kinakain sa buwanang budget ng pamilya.

Related Posts

 Sa haba ng diskus­yon at paliwanagan, pumayag na rin tayo, dala ang matinding suporta ng chairman ng Ways & Means committee na si Senator Sonny Angara, sa isang kompromiso sa DOF na nililimitahan sa tatlong prescription medicines – hypertension, diabetes at cholesterol – ang tatanggalan ng buwis at bababa ang presyo.

 At sa halip na noong Enero 2018 pa dapat naipatupad itong murang gamot kasabay ng pagpapatupad ng TRAIN Law, pumayag na rin tayo sa pakiusap ng DOF na ipagpa­liban ang implementasyon ng isang taon upang makalikom pa ng pondo ang pamahalaan at maabot ang revenue target, kung kaya’t ngayong Enero 1, 2019 pa lang naipatupad ang pagbaba ng presyo ng gamot para sa mga nasabing karamdaman.

 Sa kalkulasyon ng DOF, kahit tatlong gamot lang ang nasakop ng VAT exemption, aabot pa rin sa P3.6 bil­yon ang mawawala sa koleksyon ng gobyerno dahil ang tatlong gamot na ito ay karaniwang nirereseta ng doktor sa pasyente bilang “maintenance drugs”.

Ibig sabihin ay araw-araw at habambuhay na ang pag-inom ng mga nasabing gamot kung kaya’t malaki ang konsumo sa mga nabanggit na gamot.

 Mula sa tatlong gamot, umaaasa tayo na darating din ang panahon na madadagdagan pa ang listahan, kung hindi man tuluyan nang matanggalan ng buwis ang lahat ng gamot na ating bibilhin.

 Magandang ba­lita ito para sa ating gumagamit o regular na bumibili ng maintenance medicine para sa mga mahal natin sa buhay.

Mas magandang ba­lita kung tayo’y gaga­ling na sa karamdaman at ‘di na kinakaila­ngang bumili ng gamot.