Una sa Balita

Bawal maging pasaway ang mga opisyal

0 498

Dahil sa community quarantine, puro nasa bahay lang ngayon ang mga tao at walang ginagawa kundi manood ng pelikula at balita, at mag-Facebook. Kaya kapag may pasaway na opisyal, tiyak na “sisikat” siya sa social media.

Ang problema nga lang, hindi mo rin malaman kung ino-operate ng kalaban ang isang politiko o opisyal sa social media para magmukhang engot o wala siyang ginagawa ngayong maraming problema dahil sa COVID-19. At hindi mo rin malaman kung nag-o-operate naman ang isang politiko o ang mga alipores niya para magmukha siyang maraming ginagawa kahit hindi naman.

Dahil nga bawal ang lumabas ang mga tao, marami ang hindi makapaghanapbuhay kaya kailangang pakainin ng lokal na pamahalaan. Siyempre, bida ang mga lokal na opisyal na mabilis na kikilos para mapakain ang mga kababayan niya. Pero ingat din ang mga lokal na opisyal dahil baka masabotahe sila ng mga kalaban na mamigay ng mga sira o bulok na pagkain o bigas at palalabasin na galing sa kanila.

May mga lokal na opisyal din na nagbibida ng mga donasyon mula sa ibang bansa na ipamimigay sa mga “frontliner.” Pero babala ng ating mga kurimaw, na-disinfect daw kayang mabuti ang mga donasyon na dumadating lalo na ang galing sa China na pinagmulan ng virus? Mahirap na nga naman kung kontaminado pala ang mga donasyon at mas dumami pa ang infected sa atin.

Hindi rin dapat maging pasaway ang mga tao—lalo na ang mga opisyal– na itinuturing na person under investigation o pinaghihinalaang na-exposed sa isang COVID-19 positive o nakararanas ng sintomas ng sakit na dulot ng virus. Kung sinabihan ka na mag-quarantine o i-isolate ang sarili lalo na kung naghihintay ka ng resulta ng COVID-19 test, aba’y dapat na sumunod tayo.

Sa isang ulat, sinabi ng isang opisyal ng Department of Justice na puwedeng arestuhin at kasuhan ang mga lalabag sa quarantine kahit hindi sila pumalag sa mga awtoridad. Ginamit na basehan ng opisyal ang Republic Act No. 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, na nagpaparusa sa mga “non-cooperation of persons or entities that should report and/or respond to notifiable diseases or health events of public concern.”

Kung mahigpit sa mga taong lalabag sa community quarantine, papaano pa kaya doon sa mga PUI o mga taong may hinihintay na resulta ng COVID-19 test na dapat eh naka-home quarantine o isolation pero lumabas ng bahay at nakipag-usap pa sa iba–gaya nina Senador Koko Pimentel at ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap, mabuti na lang nagkamali ang DOH sa testing, paano kung hindi?

Ang isa nating kurimaw, medyo nahihirapan daw na husgahan si Sen. Pimentel na sinamahan sa ospital ang buntis na asawa at kahapon nga nanganak na. Ang problema nga lang, may hinihintay palang COVID-19 test ang senador at nasa ospital siya nang malaman niyang positibo siya sa virus. Ang resulta, maaaring may mga hospital staff ang na-exposed sa kaniya lalo pa’t kung hindi niya inilahad na PUI siya.

Mabuti lang naging negatibo sa corona virus pero ang mahirap na intindihin eh itong si Rep. Yap na may hinihintay ding resulta ng COVID-19 test pero nagawa pang umatend ng special session ng Kongreso at makipag-meeting sa Palasyo kasama ang ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno—tulad ni Senador Bong Go na madalas na kasama si President Mayor Rodrigo Duterte.

Aba’y papaano kung naging positibo at naipasa niya kay Bong Go ang virus, at nakausap naman ng senador ang pangulo, at nahawahan din niya? Aba’y sa edad ng pangulo na may iba na ring karamdaman, kabilang na siya sa mga “vulnerable” o mga taong peligrosong makapitan ng COVID-19 kaya dapat na ingatang mabuti.

Kaya sa iba pang opisyal na mapalad na napagbigyan kaagad ng COVID-19 test at naghihintay ng resulta, aba’y magtiis muna kayo sa loob ng bahay. Habang ang DOH, hindi rin dapat maging pasaway at maghanap sana ng paraan para mapabilis ang paglabas ng resulta ng test.

Dahil inaabot ngayon ng ilang araw bago lumabas ang resulta, inaakala siguro ng iba na negative sila lalo na kung gumaling na ang naramdaman nilang sintomas. Pero papaano kung positive gaya ni Pimentel at hindi nagkamali ang DOH kay Yap? Sorry na lang ba sa mga posibleng nahawahan nila? Ano sa tingin nyo? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More