Una sa Balita

Bawal ang partisan

By
0 104

Matatapos nga­yong araw ang filing ng certificate of candidacy (COC) ng mga nais maglingkod sa bayan.

Nitong mga nakalipas na araw, kanya-kanyang patalbugan at diskarte ang mga kakandidato para mapansin ng publiko, lalo na ng mga botante. Siyempre, panahon na naman ng ligawan para makapuwesto.

Alam na nating habang papalapit ang campaign period, magsisimula na ring uminit ang gagawing pasikat, gimik at pagpapapansin ng mga ito.

At dahil dito, isa lang naman ang bilin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Gen. Guil­lermo Eleazar sa mga pulis sa Metro Manila – bawal ang partisan politics.

Sa inilabas niyang babala, sinabi ng Mamang Pulis na hindi niya papayagan ang mga miyembro ng NCRPO na kumampi actively, indirectly o indirectly sa sinumang mga kandidato.

Sabi ni General Eleazar, ang pagpapatupad ng batas ay dapat ma­ging pantay at patas sa lahat ng panig ng mga kandidato.

Walang kikilingan, walang papanigan at walang kakampihan. Malinaw po ‘yan.

Dagdag ng hepe ng NCRPO, mahigpit siyang binilinan ni PNP Tsip Director General Albayaldena tiyaking susundin ito ng lahat ng pulis sa kanyang bakuran.

Alam ng mga mamamayan, lalo na rito sa Metro Manila, kung gaano katindi at gaano kainit ang pulitika at political rivalry sa pagitan ng mga maglalabang kandidato.

 Kaya maaga pa lang, inilahad na ni NCRPO Director Eleazar ang kanyang katayuan hinggil sa pagpatupad ng batas sa mga dara­ting na election months.

Dagdag pa ni Gen. Eleazar, mismong si Presidente Duterte na nga nagsabi na pagdating sa eleksyon, mayroong siyang delikadesa kaya nga hindi siya pumupunta sa mga kampo ng militar at PNP pag araw ng kampanya.

Ayaw niyang maimpluwensiya ng kanyang pagka-Presidente ang mga sundalo at pulis natin sa kanilang napupusuang mga kandidato.

“So, that’s a clear signal for us,” babala pa ng ating Mamang Pulis.
Sabi ni General, pupulungin niya ang kanyang mga opisyal sa NCRPO para makarating sa lahat ng pulis sa NCRPO ang direktibang ito.

Giit nga niya, “The right to suffrage is a constitutional right. The voice and choice of the people must be heard. As guardians of peace and order, we, the police, should be the instruments in delivering the proper choice of the people.”

Alam ng mga pulis ng NCRPO na iba magbitaw ng salita si Gen. Eleazar. Ito ang dapat na masunod kaya nga ganu’n na lang po ang respeto ng kapulisan sa director nila.

Alam na rin ang mangyayari pag may nagkamaling lumihis sa nais na ipatupad ni Gen. Eleazar kaya dapat lang na uma­yos ang mga pulis ng NCRPO. Kung gusto ninyo namang subukan kung totohanin ni General ang kanyang banta, aba eh try niyo po at tingnan niyo kung saan kayo pupulutin !