Bautista iimbestigahan ng Senado

By

Kinumpirma kahapon ni Senador Richard Gordon na tuloy ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee sa mga alegasyon laban kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista partikular ang sinasabing unexplained wealth nito na isiniwalat ng kanyang asawa.

Paglilinaw ni Gordon, hangga’t walang impeachment complaint na isinampa sa Kamara laban kay Bautista ay itutuloy ng Senado ang imbestigasyon nito batay na rin sa inihaing resolusyon sa kapulungan.

Si Senador Vicente “Tito” Sotto III ang naghain ng resolusyon na humi­hi­ling sa Senado na imbestigahan ang mga alegasyon laban sa Comelec chief.

Tiniyak ni Gordon, na ang kanilang gagawing imbestigasyon ay hindi para pakialaman ang problemang personal o away ng mag-asawang Bautista kundi nakasentro sa kung ano ang ginawang mali ng Comelec chief na dapat umano nitong harapin.

Wala pang itinakdang araw ang komite para sa pagsisimula ng imbestigasyon ngunit sinabi ni Gordon na sinimulan na nila ang pangangalap ng mga ebidensiyang may kinalaman sa naturang alegasyon laban kay Bautista. 

SHARE